EDITORYAL - Paghandaan ang baha

NOONG Lunes ng hapon, umulan sa ilang bahagi ng Metro Manila at nakagugulat na bumaha agad kahit sandali lang ang pag-ulan. Bumaha sa Maceda St. kanto ng España Blvd. at sa ilang lugar sa Makati at Pasay. Dahil sa biglang pagbaha, nagkabuhol-buhol ang trapiko. Maraming nasorpresang motorista kaya hindi agad nakalusong sa hanggang tuhod na tubig. Marami rin namang pasahero ang na-stranded dahil sa biglang buhos ng ulan na nagdulot ng baha.

Kinabukasan, agad nagsagawa ng paglilinis sa mga imburnal sa kahabaan ng España Blvd. ang mga taga-Department of Public Works and Highways (DPWH). Kinakalahig nila at dinudukot ang mga imburnal. Nagkaroon ng trapik sa España dahil nakahambalang ang mga gamit ng DPWH na panglinis sa imburnal.

Maraming basura ang nakuha ng mga worker ng DPWH sa mga imburnal. Kabilang sa mga nakuha ang mga plastic na supot, mga sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo and conditioner, balat ng candy, supot ng instant noodles at marami pang ibang basura. Marami ring buhangin at lupa na nakuha sa imburnal.

Nakapagtataka lamang na walang sistema ang mga worker ng DPWH sa mga nakukuha nilang basura. Itinatambak lang nila sa island ang mga basura at hinahayaan doon. Bakit hindi agad kunin ang mga basura para hindi na ito tangayin ng hangin o abutan ng pag-ulan at baha. Tiyak na aanurin ang mga basura at maiistak uli sa imburnal.

Madaliin ng DPWH ang paglilinis sa mga estero, kanal at iba pang waterways sapagkat paparating na ang tag-ulan. Kung maghihinay-hinay, lulubog na naman sa baha ang Metro Manila. Tapusin din naman ang mga paghuhukay.

Show comments