MARAMING karumal-dumal na krimen ang nangyayari ngayon. Mayroong pinagnakawan na ay papatayin pa. Mayroong babaing ginahasa ay pinatay pa. Mayroong hinoldap o kinarnap ang sasakyan ay pinatay pa ang may-ari. At ang mas karumal-dumal, maski ang sariling anak ay walang awang pinapatay.
Sa ganitong malubhang krimen, nararapat nang ibalik ang parusang kamatayan. Kailangang pagbayarin ang mga gumawa ng karumal-dumal na krimen. Kung ano ang inutang, iyon din ang dapat na kabayaran,
Kahapon, naging laman nang halos lahat ng pahayagan ang krimeng ginawa ng isang ama sa kanyang pitong taong gulang na anak na babae. Walang awang pinatay ni Mark Alvin Manliclic ang kanyang anak na si Angel Mark Cathlene. Pinagsasaksak ni Mark ang anak habang natutulog. Ang nakapanghihilakbot, kinunan pa niya ng larawan ang anak pagkaraang patayin at saka ginawang profile picture sa kanyang Facebook account. Ayon sa suspect, hindi niya alam ang ginawa sa anak. Ayon sa report, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at asawang nasa Canada bago ang krimen. Ayaw umanong umuwi ang babae sa Pilipinas. Nagalit ang suspek at nagbantang papatayin ang anak kapag hindi umuwi ang asawa. Tinotoo ang banta.
Nakakapanghilakbot ang pangyayari. Tanging ang mga taong wala sa sariling katinuan ang makaÂgagawa ng ganito. Sa aming paniwala maaaring gumagamit ng bawal na gamot ang suspek. Ang mga taong lulong sa droga ay hindi na kontrolado ang pag-iisip. Wala na silang kinatatakutan.
Dapat nang ibalik ang parusang kamatayan sa mga gumagawa ng karumal-dumal at nagtutulak ng shabu. Nanganganib ang mamamayan sa mga kriminal.