Kabutihan ng Napoles list

MAY kabutihan din sa pag­lalabas ng listahan ni Ja­net Lim Napoles sa mga uma­no’y naka-transaksiyon niya sa PDAF o pork barrel fund ng mga senador at kongresista. Biglang umamin ang ilang mambabatas na nakausap ni Napoles na may nangyaring transaksiyon sa PDAF.

Halimbawa ay ang sopresang pag-amin ni Sen. Chiz Escudero na minsan ay naka- meeting na nito si Napoles noong siya ay kongresista.

Ayon kay Escudero, wala raw nangyaring alok na pro­yekto sa kanyang PDAF at isang beses lang daw niyang nakaharap si Napoles na ang pakilala sa kanya ay Jenny Lim.

Sa napakahabang panahon na isinagawa ang imbestigasyon at pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee ay nanahimik at parang walang kaalam alam ang ilang senador sa mga aktibidad ni Napoles.

Hindi ba’t si Senate President Franklin Drilon ay walang kakibo-kibo na noong una ay sinabi niyang hindi niya kilala si Napoles subalit matapos ang lumabas na litrato ay biglang umamin din ito at sinabing dumalo lang siya sa party ni Napoles subalit hindi naman daw sila malapit na magkaibigan.

Kung wala siyang transaksiyon kay Napoles. wala naman sigurong masama na aminin niya na nakaharap na si Napoles. Mahirap itanggi ang ebidensiyang ito.

Ganito rin ang nangyari kay Escudero na kung hindi siya napasama sa Napoles list ay hindi pa aamin na nagka-usap at nagkapulong noong siya pa ay kongresista.

Maging si Sen. Koko Pimentel ay umamin na minsan ay mayroong nag-set ng kanyang pakikipagpulong kay Napoles pero mariing itinanggi na mayroong usapan tungkol sa PDAF.

Sa ngayon ay kanya-kanyang depensa ang lahat ng mga isinasangkot sa Napoles list at marapat lang naman na abangan ang mga ilalabas na ebidensiya laban sa mga ito. Kung mapapatunayan na sila ay dawit sa anomalya ay tiyaking mapa-panagot, makakasuhan at maipakukulong.

Huwag munang hatulan ang mga pangalang napasama sa listahan ni Napoles at maging sa bersiyon ng listahan ni Benhur Luy habang wala pang lumalabas na ebidensiya laban sa mga ito.

Ang nakita kong kabutihan sa Napoles list ay marami ang nagmamalinis at mambato ng putik sa kanilang kapwa yun pala ay dawit din pala sila sa anomalya na ngayon ay kanya-kanyang “hugas kamay”.

Bahala na ang taumbayan kung pagtitiwalaan pa ba ang mga sangkot sa PDAF scam lalo na ang mga mapapatunayang sangkot at sana ay ito na ang maging daan tungo sa tunay na reporma at paglilinis sa anomalyang nagaganap sa pondo ng bayan.

 

Show comments