GALIT si Sr. Supt. Romulo Sapitula, ang provincial director ng Laguna, dahil sa paggasgas ng isang pulis na si Roland Recoco alyas Attorney RR, sa pangalan niya sa illegal gambling. Nakara-ting kasi sa kaalaman ni Sapitula na si Recoco ang nagbasbas sa AWOL na pulis na si PO3 Victor Barrion para mag-ikot sa mga pasugalan, putahan, at beerhouses sa Laguna para humirit ng lingguhang intelihensiya. Ang gamit naman ng adik na si Barrion ay sina Macmac, Eric Bisaya, Rene at Bert. Ang gambling lords naman na hindi tumatalima sa kagustuhan ng tropa nina Recoco at Barrion, ang tagahuli para puwersahang makisama sila ay itong si Insp. Labrador. Ang ganda ng drama ng tropa nina Recoco at Barrion, ‘no mga kosa? Mismo!
Ayon kay Sapitula, wala siyang pulis na Recoco. Subalit dapat hambalusin ni Sapitula ang masamang gawain nina Recoco at Barrion dahil baka ito pa ang magiging mitsa para masibak siya sa puwesto, di ba mga kosa? Alam naman natin na mainit ang mata ng Palasyo at ni DILG Sec. Mar Roxas sa Laguna dahil hindi nila kaalyado si Gov. ER Ejercito. Kapag hindi kumilos si Sapitula laban kina Recoco at Barrion may posibilidad na madamay si Sapitula sa sigalot ng mga pulitiko, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Sinabi ng mga kosa ko na ang unang nilapitan pala ng tropa nina Recoco at Barrion, ilang linggo matapos maupo si Sapitula, ay videoke bars, beerhouses at nightclubs na may palabas na malaswa. Sa Biñan, ang kinausap nila ay ang may-ari ng Jonbory, Majestic, Discovery, 808 Videoke Bars, Aurora Barraks at Street Overnight; sa Calamba City ang El Maringos, Discovery, Bobbory, at Miss Eye; sa San Pablo City ang Miss Eye din na pag-aari ng isang pulis na kung tawagin ay si El Mamba. Dapat ipa-raid ni Sapitula ang mga naturang bold shows para mapatunayan niya talaga na hindi siya sangkot sa ilegal na gawain nitong tropa nina Recoco at Barrion, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ang pasugalan naman na kinausap nina Recoco at Barrion ay ang bookies ng Small Town Lottery (STL) ni Edwin Olazo alyas Tose sa San Pedro; ang kay Edu Reyes sa Biñan; kay alyas Tita sa Calamba at Sta. Rosa; sa pulis na si Tato Peña, Tita pa din, Lawrence Masongsong, retired cop Dave Abcede at Mang Kune sa Calamba City; Edwin Ramos sa Los Baños; Calauan at Victoria ang pulis sa Sta. Cruz na si Osel Karatian at si Umbay at Charing Magbuhos a San Pablo City. Di ba ito si Tita ang dahilan ng away ng kampo nina Supt. Marantan at ang gambling lord na namatay sa Atimonan, Quezon? Aba nag-ooperate pa pala siya. Totoo kaya na sinusuportahan pa ni Tita ang mga samu’t-saring kaso na kinasangkutan ni Marantan? Ano ba ‘yan?
Teka may pahabol pa! May puwesto pihong sakla pala si alyas Robot sa Sta. Rosa City at Biñan at may video karera sina alyas Dado Decena at Umbay sa Sta. Cruz at si Abel naman sa San Pablo City. Talagang malaking grasya ang pumapasok sa bulsa nina Recoco at Barrion kung totoo ang listahang ito na iniabot ng mga kosa ko sa Laguna. Pero kuwidaw sila at malapit nang makorner at makasuhan sila ni Sapitula, di ba mga kosa? Abangan!