Mag-ingat sa paggamit ng insecticides
UNANG kuwento: May isang kainan na nagbebenta ng pansit at siopao. Dahil sa marami ang ipis sa kanilang kusina, nag-i-spray sila ng “pamatay ng ipis†(insecticide) bawat gabi. Hindi nila alam, napupunta ang lason ng insecticide sa siopao, pansit at iba pang pagkain. Pagkaraan ng ilang taon, ang may-ari ng carinderia, edad 60, ay nagkasakit ng matinding kanser sa dugo at pumanaw na. Ang anak nilang edad 23 ay nagkaroon din ng pagkasira sa kidneys na hindi maipaliwanag ng mga doktor. Ano ang dahilan ng kanilang sakit? Simple lang: ito’y pagkalason sa insecticides.
Ebidensiya laban sa insecticide:
Ang insecticides ay gawa sa carbamates at organophosphates na masama sa ating katawan. Pinipigil ng insecticides ang paggana ng ating nervous system (ugat) at dahil dito napaparalisa ang mga hayop at tao rin.
Tips sa paggamit ng insecticide:
Kailangan ay maingat tayo sa paggamit ng insecticides, tulad ng pamatay ng ipis at lamok. Mag-spray lamang sa mga lugar na walang tao at walang pagkain. Kung mag-i-spray sa loob ng bahay, siguraduhing walang tao sa kuwarto sa loob ng 2-3 oras para hindi nila masinghot ang kemikal.
Huwag hawakan o hayaang madapuan ng insecticide ang iyong balat. Kahit sa balat lang ay papasok na ang lason sa iyong katawan. Maghugas agad ng kamay.
Huwag mag-spray ng insecticide sa kusina. Ito’y dahil baka malagyan ng lason ang ating mga pagkain at kubyertos.
Huwag ding ililipat ang insecticide sa bote ng soft drinks. Ito ang pinakamadalas na dahilan ng pagkalason sa bata. Akala ng bata ay soft drinks ang laman ng bote pero lason pala ang laman. Tandaan, kahit ilang patak lang ng insecticides ang mainom ay puwede nang makamatay. Napakatapang nito.
Ano ang sintomas ng pagkalason sa insecticide? Depende sa tagal ng pagkasinghot mo ng insecticide, puwede kang mahilo, magpawis, manginig at maparalisa. Ang sobrang pagkalason ay puwedeng makamatay.
Bukod dito, ang matagalang exposure sa insecticides (naaamoy palagi, napapatakan ang mga kamay) ay puwedeng magdulot ng mga sakit na ito: kanser, pagkabaog (low sperm count), abnormal na sanggol, sakit sa atay, sakit sa ugat (nerves) at allergies.
Pangalawang kuwento: Nagulat ako ng matagpuan kong ang aparador naming nilalagyan ng ketchup, toyo at asin, ay amoy insecticide. Noong nalaman ko ito, agad kong tinapon ang lahat ng mga boteng nakabukas na. Kahit may plastic pa ang asukal ay makapapasok pa din ang lason ng insecticide. Tinapon ko rin ito.
Mag-ingat po at suriin ang inyong kusina. Turuan ang lahat ng iyong kasama sa bahay na huwag mag-i-spray ng insecticide sa lugar na may pagkain. Mag-imbestiga na po!
- Latest