TUWING nagagawi ang mga eroplano sa bayan ng Laboulaye, Argentina, hindi napipigilan ng mga piloto at mga pasahero na humanga sa tanawin sa ibaba. Kitang-kita kasi nila ang isang gubat na hugis gitara. Kapansin-pansin ang gubat na hugis gitara dahil nasa gitna ng isang bukirin.
Pero kung nakamamangha ang kakaibang tanawin, mas nakamamangha ang kuwento sa likod ng hugis gitarang gubat.
Ang gubat na may habang isang kilometro ay nilikha ni Pedro Ureta, isang magsasaka. Itinanim niya ang humigit-kumulang na 7,000 punongkahoy para makabuo ng hugis gitarang gubat. Ginawa niya ito bilang alaala sa kanyang namatay na asawang si Graciela. Namatay ang kanyang asawa noong ito’y 25-anyos pa lamang dahil sa brain aneurysm.
Isang araw, noong nabubuhay pa raw si Graciela, habang ito ay nakasakay sa isang eroplano ay napansin na may isang bukirin na animo’y hugis timba. Sinabi nito ang kanyang nakita kay Pedro. Gusto ni Graciela na gumawa ng hugis gitara sa kanilang malawak na bukirin. Mahilig kasi si Graciela na tumugtog ng gitara. Hindi ito binigyan ng pansin ni Pedro dahil masyado siyang abala sa kanyang trabaho sa bukid nang mga oras na iyon. Sinabi lamang niya kay Graciela na pag-usapan na lamang nila iyon sa ibang panahon.
Ngunit hindi na nagawa ni Graciela ang ninais niya sa kanilang bukirin dahil siya ay binawian na ng buhay. Buntis si Graciela noon sa panglima sana nilang anak.
Pinagsisihan ni Pedro ang hindi pagbibigay importansya sa hiling ng asawa. Isang taon ang nakalipas, makaraang mamayapa si Graciela, sinimulan niya ang pagpapatubo ng mga puno na bubuo sa hugis gitarang gubat. Katulong ang kanyang apat na anak, isa-isa nilang itinanim ang mga puno. Para kay Pedro at kanyang mga anak, para na rin nilang nakakapiling si Graciela habang nasasaksihan nila ang pag-usbong ng hugis gitarang gubat.
Bagama’t marami na ang nakakita sa kanyang kagila-gilalas na nagawa, hindi pa ito nakikita ni Pedro mula sa himpapawid. Takot kasi siyang sumakay ng eroplano.