Uok (96)
“O di ba sabi ko sa’yo, hindi magagalit si Daddy,’’ sabi ni Drew.
Napangiti si Gab.
‘‘Oo nga. Mabait pala talaga ang daddy mo. Nauunawaan niya ang relasyon natin. Malawak ang pag-iisip niya pagdating sa ganitong sitwasyon.’’
‘‘Cool yan palagi. Ni minsan, hindi ko nakitang nagtaas ng boses. Pagminsan kasi, tatamad-tamad kami ng kapatid ko sa paglilinis ng bahay hindi yan nagagalit at pinagsasabihan lang kami sa napakababang boses. Kami lang kasi ng kapatid ko ang naglilinis ng bahay. Halili kami sa pagwawalis, paghuhugas ng pinggan, paglilinis ng CR. Wala kasi kaming katulong.’’
‘‘Paano ang paglalaba?’’
‘‘May nagpupunta ritong taga-laba.’’
“Mabuti at hindi na nag-asawa ang daddy mo?’’
“Ah hindi na. Para sa kanya, nag-iisa si Mommy. Alam mo bang araw-araw mula nang mamatay si Mommy, lagi niyang dinadalaw ang libingan nito sa memorial park. Bago siya pumasok sa trabaho, dumadaan muna siya sa memorial park. Ganoon siya ka-devoted kay Mommy. Kaya walang-wala sa isip niya na mag-asawa.’’
“Nakakahanga naman ang daddy mo. Bihira ang ganyan. Tingnan mo nga ang daddy ko at kumuha agad ng babae makaraang mamatay si Mommy. Tapos ang nakuha niya ay masama pang babae na pati ako, winalanghiya. Hindi marunong magtiis si Daddy at agad kumuha ng kapalit. Ewan ko nga kung nakukuha pa niyang dalawin ang libingan ni Mommy. Parang ang huling dalaw ay noong Todos Los Santos.’’
“E di ba nagkasakit ang daddy mo? Siguro hindi na niya kayang puntahan ang libingan.’’
“Hindi talaga siya ‘yung tipo ng lalaki na tini-treasure ang pinagdaanang relasyon. Kaya nga humahanga ako sa daddy mo. Sana naging katulad niya ang daddy ko.’’
“Pero mabait naman ang daddy mo. Enjoy nga akong kausap siya.’’
“Mabait kung mabait. Ang pintas ko nga lang, hindi siya ‘yung lalaki na marunong magpahalaga sa relasyon gaya nang pinagdaanan nila ni Mommy. Napakabait pa naman ni Mommy at para sa akin, hindi siya dapat pinalitan agad ni Daddy. Kaya nga humahanga ako sa mga lalaking kahit na namatay na ang partner ay hindi nagbabago at hindi naghahanap ng panibagong makakarelasÂyon.’’
Napatango na lang si Drew. Nauunawaan niya si Gab. Natiyak ni Drew na si Gab ang karapat-dapat niyang mahalin. Ang isang babaing humahanga sa lalaking matapat ay siguradong matapat din sa pakikipagrelasyon. Tiyak na magiging matapat si Gab.
Nang magsalita si Gab ay lalong naging seryoso ang boses.
“Natatandaan mo ba nang tinanong kita kung hindi ka magiging ‘uok’? Mahalaga sa akin ang katapatan ng isang lalaki. Ayaw ko nang lalaking ‘uok’. Gusto ko, ako lang ang mamahalin hanggang wakas.’’
“Ako ang lalaking iyon, Gab. Hindi ako magiging ‘uok’. Hindi ako maninira at walang mamahalin kundi ikaw.’’
(Itutuloy)
- Latest