Note: Si Albert Einstein ay non-observant Jew. Ibig sabihin, miyembro siya ng relihiyong Judaism pero hindi niya pinapraktis. Ang tawag sa kanya ay ‘agnostic’, isang taong nasa neutral ground pagdating sa paniniwala sa Diyos. Hindi siya kumokontra sa mga taong naniniwala sa Diyos, pero hindi rin siya kumbinsido na may Diyos. Naniniwala siya na walang sinuman tao ang makakapagpatunay na may Diyos.
Isang araw ng January 1936, may sumulat sa kanya na isang grade six na batang babae na ang pangalan ay Phyllis. Kumakatawan daw sa sulat na iyon ang buo niyang klase sa Katesismo. Ang tanong ng buong klase kay Albert Einstein: Nagdadasal ba ang mga scientists?
Sagot ni Einstein sa mga bata:
Naniniwala ang mga scientists na lahat ng pangyayari sa mundong ito ay bunga ng batas ng kalikasan. Therefore, hindi nila maaaring sabihin na ang mga pangyayari ay bunga lang ng pagdadasal. Pero dahil hindi naman ganoon kaperpekto ang kanilang katalinuhan, binibigyan din naman nila ng credit, kung sinuman ang espiritung nagpapagalaw ng universe. Isang espiritung mas superior kaysa tao ang tumutulong upang magtagumpay ang scientists sa kanilang pagsasaliksik. Ang paniwalang ito ay nakahilig pa rin sa science at hindi sa paniwalang pang-relihiyon.
Kung inyong mapapansin, ang sagot ni Einstein ay hindi galing sa sarili niyang opinyon kundi sa pangkalahatang opinyon ng mga scientists. Parang nag-iingat siya sa pagpapaliwanag dahil ang ‘audience’ niya ay mga bata. Sa aking opinyon, ang sinasabi niya ay ganito—hindi nagdadasal ang mga scientists pero naniniwala sila na may superior being na nagpapalakad ng universe. Ang superior being at scientist ang magkatulong na tumatrabaho upang ang mundong ito ay maging maayos na tirahan ng sanlibutan.
Source: http://www.lettersofnote.com/2012/05/dear-einstein-do-scientists-pray.html