MAHILIG sa pag-aalaga ng hayop ang mga Hapones kaya nang magkaroon ng tsunami sa Japan noong 2011, hindi mabilang na alagang hayop ang kinailangang iwanan ng kanilang mga amo nang umapaw ang tubig mula sa dagat.
Isa si Mr. Kamata sa mga Hapones na walang nagawa kundi iwanan ang alagang aso na si Shane dahil sa paparating na tsunami. Si Kamata ay taga Sendai City, Miyagi prefecture at trabaho niya ang magbigay babala sa kanyang mga kapitbahay kapag may panganib ng tsunami sa kanilang lugar. Kaya noong mangyari ang matinding delubyo noong Marso 2011, dali-dali siyang nag-ikot sa mga bahay-bahay upang mabigyan ng babala ang lahat tungkol sa paparating na tsunami.
Matapos magampanan ang kanyang tungkulin, inisip ni Kamata na bumalik sa kanyang bahay upang kuhanin si Shane ngunit sa kasamaang palad ay hindi na niya ito nagawa dahil nilamon na ng tubig ang daan patungo sa kanyang tahanan. Walang nagawa si Kamata kundi lumikas sa isang evacuation center.
Lingid sa kanyang kaalaman, si Shane ay umalis din pala ng kanilang bahay. Marahil ay naramdaman nito ang panganib na dulot ng tsunami. Sinuong ni Shane ang sakuna at nilangoy ang tubig baha para mahanap si Kamata. Mas nakakamangha ang ipinamalas ni Shane dahil bukod sa nakuha niyang languyin ang rumaragasang tubig, nagawa rin niyang hanapin ang mismong evacuation center na tinutuluyan ng kanyang amo.
Nagtamo ng pasa at galos si Shane at kinailangang alaÂgaan ng mga beterinaryo. Nang lubusang gumaling, ibinalik siya sa pangangalaga ni Kamata.