Babaing nakulong dahil sa pagnanakaw ng damit, tumakas at naaresto makalipas ang 37 taon!

TUMAKAS si Judy Lynn Hayman sa Michigan prison noong 1977. Ang kanyang kaso ay larceny o tangkang pagnanakaw ng damit sa isang store sa Detroit. Hinatulan siya ng isa at kalahating taong pagkabilanggo. Nakaka-kalahating taon na si Hayman sa kulungan nang ipasya niyang tumakas. Siya ay 23-anyos nang panahong iyon.

Nagtago sa San Diego, California si Hayman at gumamit ng alyas na Jamie Lewis. Sa loob nang maraming taon ay walang nakakilala kay Hayman.

Pero hindi pala habang panahon ay matatakasan ang batas. Nakatanggap ang Michigan Department of Corrections ng isang tip na may tumutugma sa itsura ni Hayman sa San Diego. Agad nagtungo ang mga pulis sa isang apartment sa Hillcrest. Si Hayman ang nagbukas ng pinto at nagpakilalang si Jamie Lewis at nagpakita ng government documents bilang patunay. 

Pero nagduda ang mga pulis dahil sa inconsistencies ng kanyang kuwento at sa pagkakahawig sa lumang retrato (mug shot) na hawak ng mga pulis.

Ayon sa mga pulis, ang mata ng nasa retrato ay katulad na katulad ng sa babaing kaharap nila.

Dinala sa police station si Hayman at doon na siya umamin.

Sabi ng Corrections Department dapat ibalik sa kulungan si Hayman para tapusin ang sentensiya. Si Hayman ay 60-anyos na ngayon. (Ulat mula sa AP)

 

Show comments