MALAWAK na usapin ang kriminalidad sa bansa.
Simula noong 2009 hanggang sa pagpasok ng 2014, tumaas ang estatistika ng krimen ayon sa datus ng Philippine National Police.
Ang bagong blotter-based reporting system at hindi ang kahinaan ng mga pulis ang ginagawang dahilan ng ahensya kung bakit lomolobo ang kriminalidad.
Ayon kay General Samuel Pagdilao, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group, ang nananatiling mataas na datus ay nagpapatunay lamang na hindi epektibo ang kanilang crime prevention policies.
Kailangan umano itong rebisahin o rebyuhin ng pamunuan ng PNP upang makatugon sa lumalalang sitwasyon ng kriminalidad.
Isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga naaresto at conviction rate o bilang ng mga nakukulong ay ang kakulangan ng data base o rekord ng bawat mamamayan sa bansa.
Noong Agosto ng nakaraang taon, nauna ng inanunsyo ng Palasyo na hindi nila prayoridad ang pagpapatupad ng National Identification System.
Walang malinaw na dahilan ang pamahalaan tungkol dito.
Nitong mga nakaraang araw, sinabi rin ni PNP Chief Alan Purisima na wala siyang nakikitang rason para suportahan ang implementasyon ng National ID system.
Hindi daw ito makakatulong para mabawasan o mapuksa ang kriminalidad sa bansa.
Ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya, maikukunsidera na kasing National ID ang driver’s license na inisyu ng Land Transportation Office.
Ang problema, hindi lahat ng mamamayan sa Pilipinas ay walang lisensya mula sa LTO dahil hindi naman lahat ay may sariling sasakyan at nagmamaneho.
Hindi layunin ng BITAG na pagtawanan o laitin ang kapulisan dito. Pinupuna ko lang ang kanilang kahinaan dahil isa ang law enforcement sa mga interes ng BITAG.