SA bawat halimbawa nating dalawang pagkain, ano kaya ang mas masustansya rito? Kaya mo bang hulaan ang tamang sagot?
• Orange o Mansanas.
Ayon sa isang pagsusuri mula sa University of Nottingham, ang mga taong kumain ng 5 mansanas bawat linggo ay mas nag-improve ang kondisyon ng kanilang baga. Ang mansanas ay mataas sa quercetins, isang kemikal na panlaban sa lung cancer at Alzheimer’s disease. Kung ika’y naninigarilyo, makatutulong ang mansanas para mabawasan ang pinsala ng sigarilyo sa inyong katawan. Sa kabilang banda, masustansya rin naman ang orange dahil sa taglay nitong vitamin C. Pero kung papapiliin ako, panalo ang mansanas.
Winner: Mansanas.
• Cauliflower o broccoli.
Ang broccoli ay may mas maraming fiber, vitamins at minerals kumpara sa cauliflower. Ang 100 grams ng broccoli ay may 2.6 grams ng fiber, na doble ang dami kumpara sa fiber ng cauliflower. Ang broccoli flower ay mas berde ang kulay at mas masustansya. Sa katunayan ay parehong masustansya ang cauliflower at broccoli, ngunit mas maraming pag-aaral lang ang ginawa tungkol sa broccoli.
Winner: Broccoli.
• Ice cream o yogurt.
Parehong gawa sa gatas ang ice cream at yogurt. Parehong mayaman sa calcium, protina, vitamin B2, vitamin B12 at vitamin A. Ngunit mas mataas sa fats ang ice cream. Ang yogurt naman ay may kasamang healthy bacteria, na tumutulong sa ating sikmura at bituka. Sa katunayan, may mga eksperto na nagsasabi na dapat tayong kumain ng yogurt kapag umiinom tayo ng antibiotics. Pinapalitan ng yogurt ang mga good bacteria sa ating katawan.
Winner: Yogurt.
• Milk chocolate o dark chocolate.
Ang dark chocolate ay may sangkap na resveratrol at flavonoids. Ito’y mga kemikal na nagpoprotekta sa ating puso. Ayon sa pagsusuri sa hayop, ang resveratrol ay puwedeng magpahaba ng buhay ng mga daga. Kaya kung bibili kayo ng tsokolate, piliin ang dark chocolate. Mas mapait lang ito pero mas masustansya naman ito.
Winner: Dark chocolate.
• Kumain nang marami pero madalang o kumain ng madalas na pa-konti-konti lang.
Base sa epekto nito sa ating asukal sa dugo, mas may benepisyo sa katawan ang pagkain ng pakonti-konti lamang. Mas hindi tataas ang ating blood sugar. Mababawasan din ang pagkaantok natin pagkatapos kumain. Dahil mas konti ang ating kinakain, mas hindi rin mahihirapan ang ating sikmura sa pagtunaw ng pagkain.
Winner: Kumain ng pakonti-konti.