Gamugamo, pumasok sa taynga ng batang lalaki!

KAHAPON, nalathala sa kolum na ito ang tungkol sa babae sa China na pinasukan ng gagamba sa taynga. Ngayon, isang 12-anyos na lalaki sa Colorado ang pinasukan naman ng gamugamo sa kanyang taynga.

Isinugod sa emergency room si Wade Schlote dahil sa sakit na nararamdaman sa loob ng kanyang taynga. Walang tigil sa pag-iyak si Wade. Sumisigaw pa siya dahil sa sobrang sakit na nararamdaman sa taynga.

Agad na inasikaso ng mga doctor si Wade. Sinilip ang loob ng taynga. At nagulat ang doctor nang makita ang isang gamugamo na nakasiksik na nasa ear canal. Ginamitan ng isang kakaibang liquid para mapalabas ang gamugamo. Tangka ay lunurin at anurin palabas ang gamugamo. Pero walang epekto ang procedure.

Hanggang sa gumamit ang doctor ng tweezers at nakuha ang gamugamo. Nang makuha ang gamugamo ay pinakawalan at lumipad ito.

Ayon kay Wade, napakasarap ng pakiramdam niya nang maalis ang gamugamo. Hindi naman sinabi kung paano nakapasok ang insekto sa kanyang taynga. –www.oddee.com—

Show comments