Lola, mahusay sa Tomahawk: Magnanakaw, hindi umubra
Si ROBIN IRVINE ay bihasang gumamit ng maliit na palakol (tomahawk).
Bago matulog, sinisiguro ni Irvine na nasa tabi niya ang kanyang tomahawk. Iyon ang kanyang sandata sa sinumang magtatangka ng masama. Nag-iisa siyang namumuhay sa Hemet, California.
Noong gabi ng Nobyembre 2013, nagulat si Irvine ng dalawang lalaki ang pumasok sa kanyang bahay para magnakaw. Marami nang nakuhang alahas at pera ang dalawa pero hindi pa nasiyahan at nilapitan ang natutulog na si Irvine at kinuha sa braso nito ang mamahaling relos. Naramdaman ni Irvine ang nangyayari kaya mabilis na nadampot ang tomahawk na nasa kanyang tabi at pinalakol ang magnanakaw na kumukuha sa kanyang relo.
Nakailag ang magnanakaw at nagtatakbo kasama ang isa pa palabas ng bahay. Pero nagkamali sila sapagkat mabilis silang hinabol ni Irvine hawak ang tomahawk. Inasinta ang isang magnanakaw at inihagis ang tomahawk. Sapol ang magnanakaw na tinamaan sa likod. Bulagta ang magnanakaw. Nakatakas ang isang magnanakaw na takot na takot na asintahin ng tomahawk.
Dumating ang mga pulis at inaresto ang tinamaan ng tomahawk sa likod. Dinala ito sa ospital para tahiin ang sugat.
Sabi ni Irvine, hindi raw niya sana patatamaan ang magnanakaw subalit wala na siyang nagawa sapagkat ang anuman daw bagay na ihagis niya ay tumatama sa target. Hindi raw siya nagmimintis.
- Latest