Alam naming talagang abalang-abala ang pamunuan ng DSWD na siya ngayong pangunaÂhing ahensiyang nangangasiwa sa pagkakaloob ng relief sa mga kababayan nating nasalanta ng super bagyong si Yolanda.
Maging ang pamunuan ng MMDA ay katuwang sa paglilinis ng mga debris sa kalat na iniwan ng bagyo, yun nga lang may ilang mga problema na dapat harapin lalu na dito sa Metro Manila.
Dapat na lang sigurong tumutok dito ay ang mga local police at local officials para kahit papaano ay hindi na lumala o madagdagan pa ang kinakaharap na problema.
Ang tinutukoy dito, ay ang pagdami na naman ng mga paslit na kumakalat sa mga lansangan sa Metro Manila na namamalimos o namamasko, ang siste malapit ang mga ito sa disgrasya.
Dahil nga sa nalalapit na ang holiday season, kaya nagsisimula nang kumalat ang mga nanghihingi sa lansangan, partikular ang mga bata.
Nakakatakot kapag nakita ninyong ang isang 3-anyos na bata ay sumasabit sa mga jeep para lamang manghingi sa mga pasahero.
At dahil nga sa maliliit pa ang mga ito, madalas hindi napapansin ng driver na basta na lamang ang pagsabit o paglundag matapos makapanghingi.
Nakikisabay pa ng takbo ang mga ito sa bilis ng takbo ng mga sasakyan sa lansangan, na talaga namang nakakatakot na baka masagasaan o madurog ang mga ito.
Aba’y asan ba ang mga magulang ng mga ito at hinahayaan ang kanilang mga anak na maumang sa panganib.
Ang siste pa rito, ang ganitong mga eksena ay madalas na nasasaksihan ng mga traffic enforcer o maging ng ilang pulis, pero mukhang dedma lang sila.
Ni hindi masita man lang na para na rin sa kanilang kaligtasan.
Baka naman hintayin pang may mangyari matinding sakuna o aksidente, bago ito pagtuunan ng pansin.