KAPAG nangyari na ang trahedya lumulutang ang pagtuturuan at kung anu-ano pang paninisi. Kung kailan wala nang magagawa sapagkat nangyari na ang lahat ay saka nagkakaroon ng pagtatalo at batikusan. Ang matindi pa, nahahaluan ng pulitika ang kaganapan. Sa halip na gumawa at tulungan ang mga apektadong mamamayan, ang pagsisisihan pa ang nangyayari. Napupulitika pa at ang lalong kawawa ay ang mga biktima.
Ganito ang nakikitang senaryo sa ilang lugar na pininsala ng Super Typhoon Yolanda. Sa halip na ang unahin ay ang pagtutulungan at magkaisa para makabangon sa trahedya, ang pinangingibabaw ay ang pulitika. Kahit kailan, hindi maisantabi ang political differences. Lagi nang nakakabit ang pulitika kahit marami nang nawasak at nadurog ang lugar dahil sa kalamidad --- bagyo man o lindol. Kahit kailan, ang mga pag-aaway dahil sa pulitika ay namamayani.
Sa isang bayan umano sa Leyte na grabeng pininsala ni Yolanda ay namamayani ang pulitika. Reklamo ng dalawang tao, hindi raw sila makapag-charge ng kanilang cell phone sa isang generator na inilagay doon para gamitin ng mga biktima ng bagyo. Pinagsabihan daw ang dalawang tao na hindi sila puwedeng makapag-charge sapagkat kabilang sila sa kalabang partido. Ayon sa dalawa, wala silang magawa kahit nagngingitngit. Kailangan pa naman daw nilang i-charge ang kanilang mga cell phone para makatawag sa kanilang mahal sa buhay. Umalis na lamang ang dalawa para maiwasan ang gulo.
Itigil na sana ang ganitong hindi pagkakaunawaan dahil lamang may kinampihang pulitiko o sinuporÂtahan. Kalimutan ang pag-aaway. Walang ibubunga ang ganito sa sitwasyong marami ang naghihirap dahil sa nangyaring bagyo. Pagtutulungan ang dapat pairalin. Isantabi ang pulitika sa pagkakataong ito.