Inulit ni Yolanda ang kasaysayan?

PARANG naulit ang kasaysayan sa pagdating ng bagyong Yolanda kamakalawa. Itinuring siyang Super Bagyo at pinakamalakas kumpara sa ibang mga bagyong nanalasa sa buong mundo sa taong ito. Yolanda ang tawag sa kanya dito sa Pilipinas pero, sa buong mundo, siya si Haiyan. Ayon sa huling ulat habang isinusulat ito, mahigit na sa 100 ang bilang ng mga tao na namatay kay Yolanda at sa Leyte pa lang ang karamihan  ng biktima.

Noong 1970, isang bagyo na bininyagan sa lokal na pangalang Yoling (Patsy sa buong mundo) ang nanalanta sa Pilipinas. Ayon sa Wikipedia, 241 katao ang namatay kay Yoling na itinuring na pinaka-malakas na bagyo ng taong iyon. Tiyak namang hindi sinadya pero ang Yoling ay mas maikli o sabihin nang “palayaw” ni Yolanda. At kapwa sila nanalasa sa Pilipinas sa buwan ng Nobyembre. Mas napaaga nga lang si Yolanda na dumating sa bansa bandang Nobyembre 8, 2013 habang si Yoling ay bandang Nobyembre 19, 1970. Pero kapwa sila itinuring na pinaka-malakas na bagyo ng taon.

Bakit naging super bagyo si Yolanda?  

Batay sa pahayag ng National Oceanic and Atmospheric Administration, ang lakas ng hangin ni Yolanda ay umaabot sa 200 mph (320 km/h). Si Yolanda umano ang nagtaglay ng pinaka-malakas na hangin kasunod ng Super Bagyong  Tip (Warling sa Pilipinas) noong 1979.  Nagpalakas kay Yolanda ang katotohanan na nabuo siya sa laot o open ocean o malawak na karagatang walang matatagpuang isla na  maaaring makahadlang sa kanyang pamumuo. 

Bukod pa rito ang temperatura ng karagatan na ang init ay umaabot sa 86 degrees Fahrenheit (30 degrees Celsius). At tumatagos ang init na ito hanggang sa pinakapusod ng dagat na nagpapalakas lalo sa namumuong bagyo. Sabi pa sa paliwanag ng mga meteorologists, isang malaking heat engine ang mga bagyo na pinalalakas ng paglilipat ng init mula sa dagat tungo sa himpapawirin.

Wala rin anilang gaanong tinatawag na wind shear sa lugar na nagpabuo kay Yolanda. Ang wind shear na ito ang sinasabing sumisira sa namumuong bagyo at pumipigil sa paglakas nito.

 

Show comments