Ang mangingisda sa ilalim ng puno

UGALI na ng isang mangingisda  na magpahinga sa ilalim ng puno pagkatapos niyang mangisda at magbenta ng kanyang mga huli. Napadaan doon ang kanyang Kuya na yumaman sa pagnenegosyo. Nainis ito sa na­datnang eksena. Nilapitan niya ang bunsong kapatid at sinita.

“Bakit wala kang ginagawa? Sinasayang mo ang iyong oras.”

“Kuya, nakatapos na ako sa pangingisda at naibenta ko na rin ang mga isdang nahuli ko.”

“Bakit hindi ka bumalik sa dagat at muling mangisda para madagdagan ang iyong kinikita?”

“Kung marami na akong kinikita, ano naman ang gagawin ko sa ma­raming pera?”

“Ibili mo ng maraming bangka para makakuha ka ng mga tauhan na mangingisda para sa iyo.”

“Pagkatapos?”

“Magiging mayaman ka at wala kang gagawin kundi mag-enjoy sa buhay at magpahinga na lang sa ilalim ng puno.”

“Di ba, ’yun na nga ang ginagawa ko ngayon? Bakit kailangan ko pang hintayin na yumaman ako?”

Hindi na kailangang hintayin ang kinabukasan para namnamin ang sarap ng buhay. Hindi na kailangang hintayin pang yumaman at maging makapangyarihan para ma-enjoy ang buhay.  Ayon sa mga dakilang tao na may mataas na pagpapahalaga sa buhay: Ang pagkakuntento sa buhay ay hindi lang nakabatay sa dami ng ari-arian kundi nasa kasimplehan ng pangangailangan.

 

Show comments