BAGAMA’T sa mga piling US states lang diumano ipinatutupad ang rules na sumusunod, malinaw na inaalagaan ng kanilang gobyerno ang reputasyon ng mga gurong inaasahang magtuturo sa mga bata ng kagandahang asal. Gaano ba sila kahigpit sa moralidad ng isang guro?
Bawal magpakasal habang hindi natatapos ang kontrata ng isang guro sa school na pinagtuturuan niya.
Hindi dapat lumalabas sa publiko ang isang babaing guro na may kasamang lalaki.
Dapat ay nasa loob ng kanyang pamamahay ang isang guro sa pagitan ng 8 p.m at 6 a.m. maliban kung uma-attend ng school function.
Iwasang tumambay sa downtown sa mga ice cream store. Ang downtown ay tawag sa central business district sa North America.
Magpapaalam muna sa pinakamataas na opisyal ng school kung lalabas ng bayan o siyudad na kinaroroonan.
Hindi dapat makitang may kasamang lalaki, maliban sa ama o kapatid na lalaki, sa isang sasakyan.
Bawal manigarilyo ang lalaki o babaing guro.
Bawal magsuot ng damit na may matingkad na kulay.
Bawal magkulay ng buhok.
Ang mga babae ay dapat na may pinaghahaliling dalawang petticoat. Ang petticoat ay sapin sa loob ng damit.
Ang haba ng damit ng mga babae ay hanggang sakong.
Ang guro ang magwawalis ng sahig at maglilinis ng blackboard araw-araw, magkukuskos ng sahig isang beses kada linggo gamit ang sabon at mainit na tubig. Magsisindi ng lampara at fireplace tuwing ika-7 at 8 ng umaga, ayon sa pagkakasunod.