Filipino ng PAGASA

“ANG  silangang Kabisayaan at  ang mga probinsya ng Surigao ay maulap na may katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Ang Mimaropa at ang nalalabing bahagi ng kabisayaan at ng Mindanao ay maulap na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pagkidlat pagkulog. Ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng Luzon ay magi-ging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.”

Ito ang isang bahagi ng pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa lagay ng panahon para kahapon, Sabado. Bahagya ko lang pinaikli dahil sa limitadong espasyo rito. Araw-araw naman at maraming taon nang, bukod sa nasa wikang Ingles, meron namang bersyon ng weather bulletin sa wikang Filipino ang PAGASA. Maaari itong makita sa website ng PAGASA o kaya sa mga pahayagan sa wikang Filipino tulad sa PM (Pang-Masa) at Pilipino Star NGAYON.

Maayos naman ang pananagalog ng PAGASA (Ineedit lang ito para magkasya sa kinauukulang espasyo sa mga pahayagan) kaya palaisipan sa akin kung ano ang ibig sabihin ni President Aquino sa isa niyang pahayag nitong kasagsagan ng bagyong Maring at habagat. Batay sa kanyang pahayag, ipinapanawagan niya sa PAGASA na mas simplehan pa at gawin sa wikang Filipino ang mga patalastas nito hinggil sa klima sa Pilipinas. Baka nga dapat simplehan pa dahil tila mabulaklak minsan ang Filipino version ng PAGASA. Halimbawa, bakit sinasabi pang “makakaranas ng maulap na kalangitan” gayong puwede namang “maulap sa silangang kabisayaan at Surigao”? Iyong “maulap hanggang sa bahagyang maulap,” dapat sabihin na lang “maulap” dahil ganoon pa rin naman ang sitwasyon sa isang lugar kahit pa sabihing “bahagya.”

Dapat na rin sigurong linawin at ipaliwanag ng PAGASA ang terminong habagat lalo pa at nagiging regular na siya rito sa bansa taon-taon. Sa Ingles, ang habagat ay Southwest monsoon. Ito iyong madalas o araw-araw na  tuloy-tuloy na pag-ulan. Hindi tulad ng sa bagyo, walang umiihip na napakalakas na hangin sa habagat.  Kaya siguro nagtatagal sa isang lugar ang habagat at nagdudulot nang malaking pagbaha. Dahil nga ba walang hangin na maaaring tumaboy sa kanya nang napakabilis palayo sa isang lugar? Isa rin sa napansin ko ngayon sa Filipino weather bulletin ng PAGASA. Ginawa nang “Metro Manila” ang “Kalakhang Maynila.” 

• • • • • •

(Ano mang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)

 

Show comments