Boy Yasay at kumpareng Garbo, ayos na!

NAGPAPAIKOT ng position paper sa kasalukuyan ang aabot sa 201 barangay chairmen sa dalawang distrito ng Pasay City. Sorry na lang sa taga-Pasay dahil hindi ang kapakanan nila ang nasa isipan ng kanilang barangay chairmen kundi ang pagkakitaan. Ayon sa mga kosa ko, hindi proyekto ang laman ng petition kundi ang pagpapabukas ng ilegal na sugal na saklaan. Napunta na kasi sa isang Boy Yasay ang prangkisa ng pasugalan sa Pasay at heto’t dadagdagan pa ng mga lokong barangay chairmen, di ba mga kosa? At ang masama nito, nababanggit ang pangalan ni NCRPO director Chief Supt. Marcelo Garbo Jr. sa pasugalan ni Yasay na ang kasosyo ay sina Lito Ocampo at alyas Prince. Ikinakalat ng tropa ni Yasay na ayos na sila sa kumpare niyang si Garbo, ano ba ‘yan?

Itong si Garbo mga kosa ay nagdeklara ng “no take” policy laban sa illegal gambling at kung itong grupo ni Yasay ang paniniwalaan, itsa-puera sila sa kampanya ng NCRPO laban sa ilegal na sugal? Malalaman natin ang kasagutan sa darating na mga araw mga kosa!

Noong kasagsagan ng kampanya sa pulitika kasi, nangako si Mayor Tony Calixto na hindi niya pabubuksan ang larong sakla sa Pasay City. Siyempre, sinuportahan ng taga-Pasay ang kandidatura ni Calixto sa akalang umpisa lang ito ng mga proyektong makapag-ahon ng imahe ng Pasay na “Sin City” of southern Metro Manila. Itong sakla kasi mga kosa ay namumugad sa mga lugar kung saan may patay kaya nangako si Calixto na magbibigay sa naiwang pamilya ng P7,500 mula sa intelligence fund niya. Sa sistemang ito ni Calixto, aba zero balance ang barangay chairmen kaya nag-aalboroto sila at itong petition ang paraan nila para mapabaliktad ang desisyon ng mayor nila. Sa tingin ko naman, ito na ang paraan na naisip ng sindikato ng mga ilegal sa Pasay, na pinangungunahan ng isang alyas Moti, para maalis sa katawan ni Calixto ang sisi kapag sumulpot na muli ang sakla sa Pasay.

Ano sa tingin n’yo mga kosa? He-he-he! Luma na ang estilong ‘yan!

At dahil sa napunta kay Ya­ -say ang prankisa ng pasugalan sa Pasay, naiwang hilong talilong ang gambling lords na sina Len Aguado, Boy Corcuera at Toto Lacson, anang mga kosa ko.

Kung sabagay hindi na kailangan ni Calixto na makisawsaw sa illegal gambling dahil dapat kuntento na siya sa kita ng Mall of Asia, at mga hotel na Solitaire at Resort World. Milyon na kasi ang inaakyat ng tatlong establisimiento na tax sa kaban ng Pasay. Kaya itong si Calixto ay palaging nakikita sa Solitaire at Resort World at nagre-relax dahil sa mga amenities na ibinibigay sa kanya, ayon sa mga kosa ko. Sana ‘wag siyang maligaw sa casino ha?

Kaya itong si Yasay ay nagre-report sa ngayon sa anak ni Calixto na si Mark. Wala naman kasing makapigil sa prangkisa ni Yasay dahil maging ang pulisya ng Pasay ay kasabwat sa sindikato ni Moti. Ang mga malalaking kubrador ni Yasay ay sina Roger ng Dolores St. sa may sabungan, Romy ng Facundo, Jing ng Maricaban, Aling Che na asawa ng isang pulis, Ronald Labo sa may post office, Logie ng Edang, Dennis ng Nichols, Ruben sa Salud, at Joan ng Merville. Ang mga palaro nila ay video karera, bookies ng karera, lotteng, ending at EZ2. Kung hindi masawata ng pulisya ng Pasay at NCRPO itong pasugalan ni     Yasay, tiyak hindi ito makakaligtas sa tropa ng CIDG.

Abangan! 

 

Show comments