Imbestigasyon sa pork barrel
NAGTAKDA na ng pagdinig ang Senate blue ribbon committee sa kontrobersiyal na pork barrel ng mga mambabatas. Ito ay matapos mabunyag ang eskandalo na kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles na bumuo umano ng mga pekeng NGOs at nakinabang sa pork ng mga senador at kongresista.
Partikular na tututok daw ang imbestigasyon sa findings ng Commission on Audit (COA) na lumalabas na napakaraming kuwestiyon sa paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas. Pero ang malaking kuwestiyon sa COA na dapat gawin ng mga mamababatas, bakit ang inimbestigahan lamang ay 2007 hanggang 2009 na mga taon na nasa ilalim ng Arroyo administration. Dapat siniyasat nila hanggang 2012 para maikumpara sa nakaraang Arroyo administration at kasalukuyang Aquino administration kung talaga bang mayroong pagkakaiba ng sistema.
Batay sa aking mga nakausap, wala naman daw pinag-iba sa sistema ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon hinggil sa sistema ng pagpapalabas ng pork barrel ng mga senador at kongresista.
Masyadong mababaw na kapos na raw sa panahon ang COA para siyasatin ang pork barrel hanggang kasalukuyan. Kung talagang walang ibang motibo rito ay sana naman ang tinutukan ng COA ay ang 2009 sa ilalim ng Arroyo administration at 2011 at 2012 sa ilalim ng Aquino administration upang matiyak ang sinasabing “tuwid na daanâ€.
Marami naman ang naniniwala na si President Aquino ay talagang tuwid at hindi nadadawit sa mga anomalya pero may pagdududa at kuwestiyon sa ibang opisyal na kaalyado niya. Magandang pagkakataon sana ito na maikumpara kung sino ba talaga ang malinis at marumi para maalis ang pagdududa ng publiko.
Umaasa ako na magkakaroon ng mas kaliwanagan sa isyu ng pork barrel ang gagawing imbestigasyon ng Senado. Dapat gisahin nang husto ang implementing agencies na may responsibilidad na pag-ingatan ang paglalabas ng pera ng bayan.
Nakababahala naman ang mga pahayag ni Congressman Neri Colmenares na baka nagkakaroon ng sabwatan sa ilang ahensiya gayundin ang mula sa COA kaya nakakalusot ang mga bogus na NGO.
Matapos ang imbestigasyon, umaasa ako na tatanggalin na ang pork barrel at hahayaan na ang mga mambabatas na bumalangkas ng batas at huwag nang makialam sa pangangasiwa ng pondo ng bayan. Ipaubaya na lamang sa Ehekutibo.
- Latest