Lampong (348)

HABANG naglalakad sa pilapil si Jinky ay nasisiyahan siyang pinagmamasdan ang mga pagbabagong naganap sa itikan mula nang si Dick ang namahala nito. Iba talagang mamahala ang lalaki. Organisado. Maski ang pilapil na dinadaanan niya ay si Dick ang may plano. Malapad na pilapil ang nararapat para hindi mawasak in case magkaroon ng pagbaha. Naisip ni Dick na maaaring magbaha sa mga darating na panahon kaya kailangan ang matibay na pilapil. Ang pilapil na tuwid na tuwid ay may kalahating dipa ang lapad. May mga damo iyon kaya hindi madulas daanan.

Pinagmasdan din ni Jinky ang mga itik na nasa malaking kulu­ngan. Kawayan ang kulungan ng mga itik na na­ngingitlog. Dikit na dikit na mga buong kawayan ang bakod. Hindi maaaring makapasok ang mga bayawak o kaya ay sawa. Pinalibutan din iyon nang matibay na lambat.

Lahat nang iyon ay si Dick ang may plano. Ha­ngang-hanga siya sa asawa. Napakaraming nalalaman ng kanyang asawa.

Nagpatuloy pa sa pag­lalakad si Jinky. Napakabango ng simoy ng hangin. Humahalik sa kanyang pisngi ang malamig na hangin. Pati ang hangin ay napakasarap langhapin. Marami na talagang pagbabago sa itikan. Katulad din ng mga nangyaya­ring pagbabago sa kanyang buhay­.

Napailing-iling si Jinky. Napakagat-labi siya. Napabuntunghininga siya.

Nagpatuloy siya sa pag­lalakad. Ang dulo ng pilapil ay ang kulungan ng mga dumalagang itik. Mga piling-pili ang mga itik na narito. Si Dick mismo ang pumili. Ito umano ang mga special para sa negosyong INASALITIK na kasalukuyang inaayos ni Dick para magkaroon ng branch sa mga mall sa Maynila.

Lumapit siya sa mga itik. Matataba talaga ang mga dumalaga. Ang isang nakatawag ng pansin kay Jinky ay ang mga punong namumunga sa lugar. Ano kayang puno na may bu­ngang nalalaglag. Ang mga laglag na bunga ay tinutuka ng mga dumalagang itik.

Napansin ni Jinky na pagkatapos tumuka ng mga bunga ay nagtutungo sa isang malaking hukay na may tubig ang mga dumalaga at umiinom. Pagkatapos­ uminom ay magbabalik sa silong ng puno at doon magsisi­tigil.

Nilampasan ni Jinky ang mga dumalaga. Hanggang sa makarating siya sa sapa na dating pinaliliguan niya noon. Pero lubhang kakaiba na ang sapa sapagkat pinaganda rin ni Dick. Sinemento ang pampang. Pero may mga damo pa rin at mga kawayan doon. May mga desenyo ang pampang. Maganda ang kapaligiran. Sa tingin ni Jinky ay lalong luminaw at lu­ma­lim ang tubig.

Naalala ni Jinky ang gina­gawang paliligo roon noon. Napakasarap ng tubig. Matagal na siyang hindi nakakapaligo.

Pero naalala na baka may makakita sa kanya kung maliligo siya. Baka maulit ang nangyari noon.

Pinagmasdan ni Jinky ang malinaw na tubig.

(Itutuloy)

Show comments