DITO sa Pilipinas, kadalasang ang pinangkakantiyaw sa mga lalaking tinedyer ay hindi marunong uminom. At para mapatunayan na siya ay marunong nang uminom, lalaklak nang maraming alak. Hanggang sa magsuka at makatulog sa kalasingan.
Pero sa Virginia, USA, isang 19-anyos na lalaki ang kinantiyawan ng kanyang mga kaibigan na uminom – hindi ng alak kundi ng toyo (soy sauce). Kantiyaw nga mga kaibigan, kung talagang matapang ang lalaki, inumin niya ang isang quart ng toyo.
Ang lalaki ay nadala sa kantiyaw at agad ininom ang isang quart ng toyo. Inubos ng lalaki ang toyo. Manghang-mangha ang mga kaibigan sa ginawa ng lalaki.
Makalipas ang ilang minuto, nanginig ang lalaki at nagkislut-kislot ang katawan na parang kiti-kiti. Walang tigil sa pagkislot kaya agad siyang dinala sa ospital ng kanyang mga kaibigan. Pero bago pa duma-ting sa University of Virginia Medical Center, nasa coma na ang lalaki. Takot na takot naman ang mga kaibigan na na-ngantiyaw. Namatay na yata ang kanilang kaibigan.
Agad binigyan ng anti-seizure medication ang lalaki. Apat na oras ang ginugol ni Dr. David J. Carlberg para mailigtas ang lalaki na na-overdosed sa toyo. Limang oras ang lumipas bago nagbalik sa normal level ang sodium ng lalaki.
Ganunpaman, tatlong araw din na na-coma ang lalaki.
Siya ang kauna-unahang tao na naitalang na-overdosed sa mataas na amount ng asin at nakaligtas sa kamatayan.