‘Pulis na matalas (?)’

HUWAG mong gamitin ang iyong katungkulan sa maling­ paraan.

 Ganito ang paniniwala ni Ma. Rowela M. Blaquio noong dumulog siya sa aming tanggapan noong Huwebes laban kay SPO1 Napoleon Tongco.

Lumapit sa kanya itong nasabing pulis upang hilingin na tulungan siyang bumili  ng apat na ‘plane tickets’ papuntang Tacloban, Leyte, noong Oktubre 2010.

“Hindi ko naman trabaho ang bumili ng ticket, nagkataon lang na ang kapatid ko ay nagtatrabaho sa airport kaya’t dahil kaibigan namin siya, ginawa ko yun. Ang kabuuang halaga ng ticket ay dalawampu’t anim na libong piso. Ang usapan kaliwaan,” wika ni Rowela.

Dumating na ang ticket at ibinigay niya kay SPO1 Tongco. Nang hinihingi niya na ang bayad, sinabihan siya na pag nakuha na lang ang  kanyang sweldo.

Nagbigay itong si SPO1 Tongco ng dalawang libo’t limang daang piso. Malaking kakulangan sa halagang napag-usapan.

“Paano yung balanseng inabonohan ko?” tanong ni Rowela.

“Babayaran kita. Saka na lang pag may pera na ako,” sagot ni SPO1 Tongco.

Wala siyang nagawa dahil ayaw niya ng gulo lalo na pulis itong si SPO1 Tongco.

Araw-araw niyang tinatawagan at sinusubukang singilin si SPO1 Tongco. Subalit pinagtataguan na siya at kahit text man lang, hindi ito sumasagot.

Sa kagustuhan na maibalik ang pera niya, nag-file ng kasong ‘Grave Misconduct’ (Threat) at ‘Simple Misconduct’ (Non-payment of debt)  noong January 30, 2012 sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Camp Crame. Inilipat ito sa Philippine National Police (PNP) Taguig laban kay SPO1 Napoleon Tongco.

Ilang araw ang lumipas matapos magsampa ng kaso, nakatanggap siya ng text na nagbabanta umano itong si SPO1 Tongco.

“Magdemanda ka kahit saan, sa tagal ko na sa posisyon ko, kayang-kaya ko ’yang lusutan. Mamundok ka at lumipat ka na ng bahay baka malimutan kong babae ka,” pananakot umano ni SPO1 Tongco.

Mayo 2012 ang unang pagdinig sa isinampang kaso kay SPO1 Tongco na ginanap sa Pasig Police District. Pinamunuan ni Hearing Officer Major Brioso.

Nagkausap ang dalawa at nangako itong babayaran si Rowela ngunit sa isang kon­disyon. Dapat daw gumawa ito ng ‘Affidavit of Desistance’ nung araw na yun at pag-usapan na lamang nila.

Nadala na itong si Rowela kaya ang gusto niya kaliwaan ang bigayan. Bayaran muna siya at saka siya pipirma ng Affidavit of Desistance.

 Matapos ang ilang araw na pabalik-balik si Rowela sa pag-aasikaso ng kanyang demanda ’di niya inakalang ito ay madi-dismiss sa kadahilanang hindi raw hawak ng PNP-Taguig ang ganitong uri ng kaso.

Agad na nag-file si Rowela ng ‘Motion for Reconsideration’ (MR) noong September 28, 2012. Ilang beses na siyang nagpunta sa National Capital Region Police Office Legal Dept. (NCRPO) sa pag-follow-up ng resolusyon ng MR ngunit hanggang ngayon wala pa rin siyang natatanggap.

Nababahala itong si Ro­wela na baka walang mangyari sa kanyang kaso kaya’t nagpunta siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwento ni Rowela.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pulis ang dapat nagpapatupad ng batas. Kaya nga kayo binigyan ng chapa, uniporme at baril ay upang ipagtanggol n’yo ang mga biktima ng krimen. Sa kwento ni Rowela, pinagbigyan ka lamang sa iyong pakiusap at nagpaluwal ng pera. Ngayon pinahihirapan mo siyang singilin sa ’yo yan. Ang sagot naman ng PNP na hindi nila hawak ang ganitong kaso, hindi ba ang ginawa ng pulis na ito ay maliwanag na Conduct Unbecoming at walang puwang sa mga taong katulad niya sa isang organisasyon na ang importante ay imahe para hindi mawala ang tiwala ng taong bayan.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, aming ilalathala ang sagot ni SPO1 Tongco base sa kanyang sa­laysay na isinumite sa PNP.

(KINALAP NI DANA VIE GARCIA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392. Ang landline 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City States Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Show comments