SA lumabas na resulta ng Social Weather Stations (SWS) nagkaroon nang malaÂking pagbabago sa ranking ng senatorial candidates. Batay sa survey, nanatiling number 1 si Sen. Loren Legarda, pumangalawa si Nancy Binay at pangatlo si dating congressman Cynthia Villar. Bumagsak sa panglimang puwesto si Sen. Chiz Escudero.
Nakapagtataka na pang-anim si Bam Aquino na sa aking pagkakaalam ay wala namang kakaibang adbokasiya at ang tanging puhunan ay kamukha ni yumaong senador Ninoy Aquino. Pinsan siya ni Pres. Noynoy Aquino.
Mas maraming magagaling at kuwalipikado na manalo sa eleksiyon kumpara kay Bam Aquino. Bagito siya at dapat nagsanay muna sa mas mababang puwesto tulad ng konsehal o congressman.
Pangpito naman sina Sen. Koko Pimentel at pangwalo si Congressman JV Ejercito na parehong may karanasan na rin sa pulitika. Pangsiyam si Congressman Sonny Angara, pang-10 si dating MTRCB chairperson Grace Poe at pang-11 si Sen. Antonio Trillanes at pang-12 sina Congressman Jack Enrile at Sen. Gregorio Honasan. Pang-13 naman si dating senador Migs Zubiri. Nasa pang-14 si dating senador Jun Magsaysay. Hindi matatawaran ang husay ni Magsaysay at maganda ang performance sa Senado. Siya ang unang nagbunyag ng fertilizer fund scam na kinasasangkutan ni dating Agriculture secretary Jocjoc Bolante.
Panahon na para ipaliwanag ng SWS at iba pang survey firms kung paano lumitaw ang mga nangunang kandidato sa kanilang survey. Paano ba ang kanilang pamamaraan ng pagtatanong at nagbayad ba ang mga ito bilang subscriber?
Tulad sa kaso nina Binay, Villar at Aquino kung bakit tumaas ang kanilang rating. Ano ba talaga ang dahilan? Baka naman sa pagsasagawa ng survey ay natunugan ng mga kandidatong ito kung saan-saang lugar ang survey at doon na nangampanya.
Sa radio stations kasi ay mayroon ding mga survey na isinasagawa kung sino ang mas pinakikinggan. Pero maingat ang mga survey firms dito dahil kapag nahuling nagkaroon ng pa-promo ang radio station ay ibabalewala ang resulta ng survey.
Magpaliwanag ang SWS at Pulse Asia upang hindi pagdudahan ang resulta ng mga survey nila. Sa US ay transparent ang survey firms at madaling maaccess sa internet kung sino ang mga financier ng survey. Dito sa Pilipinas ay inililihim. Dapat malaman ng publiko kung ang nasa top 12 senatorial candidates sa survey ay sila rin ang subscribers ng survey o hindi.
Umaasa ako na sa susunod na eleksiyon, magkakaroon na ng batas para ipagbawal ang survey.