TUMANGGI ang Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na isiwalat sa Commission on Elections kung may pulitikong sponsor sa mga isinasagawang survey. Malinaw na malinaw naman batay sa naging pahayag ng ilang kandidato na masyadong mataas ang singil ng survey firms para sa mga subscriber ng kanilang survey.
Ayon kay United Nationalist Alliance spokesman Toby Tiangco, nagtaas na nga raw ang singil sa isang subscriber mula sa P1 milyon hanggang P2 milyon kada survey. Kaya ang kanilang partido ay umatras na sa pag-subscribe rito.
Kung ayaw ilahad ng Pulse Asia at SWS ang kanilang mga sponsors sa mga survey ay makakabuting ipatigil na ang mga survey dahil ito ay nagbibigay lang ng kalituhan sa mga botante bukod pa sa pagkondisyon sa isipan ng publiko. Kaya raw nais ng Comelec na malaman kung may politikong sponsor sa mga survey firms upang maitala ito sa kanilang mga gastos.
Hindi raw obligado ang mga survey firms na isiwalat sa publiko ang kanilang mga sponsors batay sa desisyon ng Korte Suprema pero kahit ano pang batas meron ang pinaka-makapangyarihan ay ang interes ng taumbayan. Dapat nilang malaman ang detalye ng survey. Kung mailalahad sa publiko ang sponsors bukod sa mga gastos nito, malalaman kung ang mga ito ay nangunguna ba sa resulta ng survey.
Panahon na upang magsama-sama ang lahat ng mga pulitiko at iba pang sector na hindi naman naniniwala sa survey SWS at Pulse Asia upang ipatigil ang pagsa-survey lalo na sa panahon ng eleksiyon. Ang layunin lang naman ng survey ay upang malaman ng mga pulitko kung saan sila mahina o malakas na lugar. Hindi dapat ibunyag ang resulta sa publiko. Nakokondisyon ang isipan ng mga botante na kung sino ang mga nangunguna sa survey, sila na ang siguradong mananalo sa eleksiyon. Dehado kasi ang mga kandidatong hindi napapasama sa top 12 senatorial candidates sa resulta ng survey na lumilitaw na para bang talo na agad sila sa eleksiyon.
Kapag panahon ng kampanya, ipagbawal ang mga survey at hayaan na mismo ang mga kandidato ang magsumikap na makuha ang boto ng mga botante. Malalaman lang ang resulta ng tunay na sa survey sa araw ng eleksiyon.
Hindi ko kinukuwestiyon ang methodology ng survey, ang tinututulan ko ay nagagamit ito para ikondisyon ang isipan ng mga botante.