Mga pulis ang bugbog-sarado sa raliyista
NOONG nakalipas na linggo nagharap ng reklamo ang mga tauhan ng Quezon City police sa tanggapan ng Human Rights Commission matapos silang kuyugin ng mga raliyista na sumugod sa tanggapan ng National Anti-Poverty Commission.
Ngayon inihahanda na rin ng mga pulis ang paghaharap ng kasong kriminal laban sa mga protester dahil sa marahas na isinagawang rali.
Kung dati’y may mga insidenteng mga pulis ang nakikita sa mga video na humahampas sa mga raliyista, nabaliktad dahil sa nakita sa video ang bugbog-sarado ay ang mga pulis.
Tila umabuso na nga yata ang mga raliyistang ito, mga unipormadong pulis makikitang sinisipa at kinuyog ng bugbog, pati baril sa loob ng mga mobile car tinangkang agawin.
Isang police colonel sa katauhan ni Supt. Pedro Sanchez , commander ng QCPD-Station 2 ang isa sa nasugatan. Bukod sa kanya lima pang pulis ang sugatan din sa naturang insidente.
Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang naturang protesta, at ayon nga sa QCPD malamang na isama nila sa kaso ang lider ng mga ito na si Willy Marbella.
Pero ang nakapagtataka, eh mukhang tahimik ang CHR sa insidente, hindi tulad nang dati na kapag may karahasan sa mga rali agad ang kanilang pahayag ng imbestigasyon. Sunud-sunod na araw ang kanilang pag-iingay ukol dito.
Aabangan daw ng hanay ng pulisya kung ano naman ang mairerekomenda ng CHR sa kasong iniharap ng kanilang mga kabaro sa naturang tanggapan.
Kabilang sa mga ebidensiya ay ang kuha sa camera na mga pulis ang siyang binubugbog sa pagkakataong ito.
- Latest