Lampong(200)

“KAYSA raw mamatay siya sa gutom dito sa Maynila ay uuwi na lamang siya sa probinsiya at baka sakaling doon siya suwertehin. Nabanggit niya na may ipinamanang lupain ang lolo niya, ama raw ng mama niya, at marami raw maaaring itanim doon. Ma­lawak din daw ang lupa. Doon daw ay tiyak na hindi siya magugutom…”

“Marami po palang nasabi si Jinky sa iyo Lolo Fernando.”

“Oo. Lahat nang mga problema niya ay ipinagtapat sa akin. Ang turing ko na nga sa kanya ay apo. Sabi niya, naligaw daw siya ng landas. Nakagawa ng kasa­lanan pero, napagsisihan na niya. Naging sunud-sunuran daw siya sa kanyang auntie. Bata pa raw kasi siya noon.’’

“Opo. Alam ko na po istorya­ ukol doon, Lolo.”

“Teka, kaanu-ano mo ba si Jinky, Dick?”

“Wala po, Lolo. Yun pong auntie niya na nagngangalang Puri ang dati kong naka­relasyon.’’

“Ah. Ibig mong sabihin ikaw yung pinagpalit sa ma­yamang matanda?”

“Opo. Napakasakit po ng ginawa sa akin ni Puri.’’

Napatangu-tango si Lolo Fernando.

“Pero tingnan mo naman ang kapalit, Dick. Di ba karma yun?”

“Opo. Mabuti po at hindi ko siya ginantihan kung nangyari yun e di sana ako ang nagdurusa.’’

“Tama ang ginawa mo na hindi ka na gumanti.”

“Gusto ko pong puntahan sa Mindoro si Jinky. Nasasabik akong makita siya. Ano po ang sinabi niyang address.”

“Basta ang sinabi niya ay nasa bayan siya ng Socorro sa Oriental Mindoro. Sasakay daw ng barko mula Batangas patungong Calapan.”

“Sige po. Hahanapin ko si Jinky roon.”

“Ingat ka, Dick.”

“Salamat po. Babalikan po kita rito Lolo.”

“Sige balitaan mo ako.”

(Itutuloy)

 

Show comments