KAPAG ang isang tao ay tinamaan ng HIV virus, magkakaroon siya ng HIV infection. Sa umpisa, puwedeng wala pa siyang mararamdaman. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, posibleng sirain ng HIV virus ang kanyang katawan (immune system) at hahantong ito sa sakit na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.
Apat ang lebel ng HIV-AIDS:
1. Stage I o HIV Infection pa lamang. Kapag nahawahan ang isang tao, puwede siyang magkaroon ng parang trangkaso. At pagkatapos ay magiging positibo na siya sa HIV virus.
2. Stage II o wala pang sintomas. Ang taong nagpositibo na sa HIV virus ay madalas hindi pa makararanas ng sintomas sa loob ng 10 taon. Ito ang tinatawag na “honeymoon†period, kung saan ay malakas pa ang kanyang pakiramdam.
3. Stage III o may sintomas na. Kapag tuluyang humina ang katawan ng pasyente, magkakaroon na siya ng lagnat, panghihina, pagpapawis sa gabi, at pamamayat.
4. Stage IV o seryosong sakit ng AIDS. Kapag lumala pa ang kondisyon ng pasyente at dinapuan na ng sari-saring sakit, tinatawag na itong AIDS. Ang AIDS ang mabagsik na sakit na wala pa tayong permanenteng lunas. Ang mga binibigay na gamot sa AIDS ay nagpapabagal lamang sa paglala ng sakit.
Payo sa mga HIV patients:
1. Kung ikaw ay positibo sa HIV virus, maghanap ng infectious disease doktor. Kumonsulta sa RITM o San Lazaro hospital.
2. Sumunod sa payo ng doktor. Ipaalam sa doktor kung may side effect kayong nararamdaman sa pag-inom ng mga gamot.
3. Huwag manigarilyo, uminom ng alak, o gumamit ng droga. Ang mga bisyong ito ay lalong nagpapahina ng katawan.
4. Magpa-bakuna laban sa pneumonia at flu para makaiwas sa mga sakit na ito.
5. Kumain ng healthy diet. Kumain ng maraming gulay at prutas. Itanong sa inyong doktor kung kailangan mo ng vitamins.
6. Umiwas sa mga hilaw na pagkain tulad ng talaba, sushi, sashimi at kilawin. Posibleng may dalang bulate at sakit ang mga ito.
7. Uminom ng 8 hanggang 10 baso ng distilled o filtered water.
8. Mag-ehersisyo kung kaya ng iyong katawan. Magpahinga at matulog naman kapag ika’y nanghihina.
9. Maghugas palagi ng kamay. Gumamit ng sabon at tubig, o alkohol.
10. Huwag nang mag-alaga ng hayop dahil posibleng may dala itong mga sakit na makasasama sa iyo.
11. Magbawas sa stress sa pamamagitan ng pakikinig sa music, pag-re-relax, pagbabasa at pagdarasal.