Editoryal - Bakit kailangan pang magpaputok ng baril?

HINDI lamang sa United States may nasasayang na buhay dahil sa pamamaril. Dito man sa bansa ay may namamatay din at madugo rin ang pamamaraan. Mas mahirap tanggapin ang nangyaring kamatayan sapagkat nasa gitna ng pagsasaya para sa pagsapit ng Bagong Taon. Ang katuwaan at kasiyahan sa pagsalubong sa Bagong Taon ay napalitan ng kalungkutan.

Kahapon ay namatay na ang pitong taong gulang na si Nikole Ella, makarang tamaan ng bala sa bumbunan na naglagos sa kanyang kanang pisngi. Naganap ang malagim na insidente 15 minuto bago ang pagsapit ng Bagong Taon sa Bgy. Tala, Caloocan City. Ayon sa tiyuhin ni Nicole, nasa labas sila ng kanilang bahay at nanonood sa fireworks display nang biglang matumba si Nicole. Nang kanilang tingnan dumudugo na ang ulo ni Nicole. Isinugod sa ospital si Nicole at kahapon, namatay na siya. Ang bala ay nananatili pa rin sa pisngi ni Nicole. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pangyayari.

Bago ang pagkamatay ni Nicole, isang apat na taong gulang na batang lalaki ang namatay dahil sa pamamaril sa Mandaluyong  City. Lumabas umano ng kanilang bahay si Ranjelo Nimer para manood ng fireworks display nang tamaan ng bala sa likod. Isang sumpak ang ginamit sa pamamaril. Ayon sa mga nakasaksi, nakatayo si Ranjelo nang biglang matumba. Nang tingnan, duguan ito. Isinugod sa ospital pero namatay din makaraan ang ilang oras.

Ang pagkakaiba lang ng dalawang insidente, mabilis na nahuli ang nakabaril kay Ranjelo. Nakakulong na ang suspect at inamin ang pamamaril.

Maraming lumuha nang pagbabarilin ng isang 20-anyos na lalaki ang mga estudyante sa isang elementary school sa Connecticut. Napatat ang 26 katao at 20 rito ang mga bata. Masyadong maluwag doon sa baril. Madaling makabili ng baril at halos lahat ng may-ari ng bahay ay may baril.

Dito man sa bansa ay maluwag din at malambot ang batas sa pagpaparusa sa mga nahuhulihan ng baril. Madaling nailulusot ang mga baril at nagagamit sa krimen. “Kamay na bakal” ang dapat ipatupad sa mga nag-iingat ng di-lisensiyadong baril. Kung hindi maghihigpit, marami pang inosenteng mamamayan  ang mamamatay.

Show comments