Lampong (155)

PERO hindi na nilingon ni Dick si Jinky. Alam niya, kapag lumingon tiyak na kakausapin siya nito at maaaring pabalikin siya sa bahay. At kapag nasa loob na sila ng bahay, maaaring may mangyari. Nakita niya kanina na naka-panty lang si Jinky. Hindi niya alam ngayon kung may panty pa si Jinky sa ilalim ng nakataping tuwalya. Hula niya, walang panty ang pasaway na babae.

“Tito Dick, sandali!”

Pero tuluy-tuloy si Dick. Hindi siya lilingon.

“Tito Dick, may sasabihin akong importante! Sandali lang!’’

Pero buo na ang desisyon ni Dick na huwag tumigil at lumingon kay Jinky. Tiyak na isang patibong ang inihahanda ni Jinky. Alam niya kung ga­ano kaigting ang pagnanasa ni Jinky. At siya ay baka tuluyan nang mahulog sa patibong. Naranasan na niya kung paano “makipag­laro” ang pasaway na si Jinky. Sanay na sanay ito. Nabitin nga siya sa ginawa ni Jinky noon. Pinahabol-habol siya nito. Pero hindi niya pinatulan. Naalala kasi niya si Puri kaya hindi niya ito pinatulan. Ayaw niyang masayang ang relasyon nila.

“Tito Dick! May sasabihin ako!’’

Mabilis na bumaba sa hagdan si Dick. Lumabas sa gate. Deretso siya sa kan­yang apartment na may li­mang minutong lakarin.

Pagdating sa apartment ay saka lamang siya naka-hinga nang maluwag. Maya-maya tumayo at tinungo ang kusina. Binuksan ang ref at kumuha ng beer. Marami siyang nainom kanina at nagpapanting na ang taynga pero biglang nawala iyon dahil sa nangyari.

Tinungga niya ang mala­mig na beer. Nang ibaba ay lampas kalahati.

Binalikan niya ang nangyari kanina. Tinatawag siya ni Jinky at may mahalaga raw sasabihin. Totoo kaya iyon?

Tinungga uli niya ang beer. Ubos!

May mahalaga raw sasabihin si Jinky. Mahalaga raw. Ano kaya yun? Hindi kaya tungkol kay Puri?

O baka naman bitag lang iyon? Pinapapasok lang siya nito. Kabisado na niya si Jinky.

Tumayo muli si Dick at kumuha pa ng beer. Binuksan at tinungga. Inubos niya sa isang iglap.

Kumuha pa siya ng isa pa. Tinungga uli. Kalahati ang natira.

Nagbalik siya sa salas. Binuksan ang TV. Pero hin­di niya maunawaan ang pinanonood. At nagtaka siya sapagkat ang nakikita sa screen ay si Puri.

Inubos niya ang beer.

Pakiramdam niya nanga­ngapal ang kanyang pis­ngi.

Nahiga siya sa sopa.

Nakatulog siya.

 

KINABUKASAN, maaga siyang pumasok. Ilang araw na siyang absent.

Nang uwian sa hapon, sa opisina ni Puri siya nagtungo. Aabangan uli niya.

Makalipas ang 30 mi-nutes, nakita niya ang isang babae na papalabas sa buil­ding. Si Puri!

Umakma siyang lalapitan ang babae.

Pero mas mabilis ang BMW. Tumigil sa harapan ng babae. Bumukas ang pinto. Sumakay ang babae.

Si Puri nga iyon! Hindi siya maaaring magkamali!

(Itutuloy)

 

Show comments