Ang pag-ibig ay ano ba? Ito’y banal na damdamin
Sa puso ng mga tao’y parang hukay na malalim;
Lalim nito’y di maabot – di mo kaya na dukalin
Pagka’t mga ugat nito’y matibay pa sa mulawin!
At saka kung ang tao’y nakabaon na sa lupa
Puso nitong nasa dibdib buhay pa rin kaipala;
Kaya walang kamatayan ang pag-ibig na dakila
Lalo na’t sa kanyang mahal ay matapat sa sumpa!
Mga pusong nagmamahal maligaya sa tagumpay
Ang mabigo sa pag-ibig nagkakamit kamatayan;
Ang puso ay walang tibok kung ang puso’y patay
Lalo’t puso ng babae’y nais lamang paglaruan!
Pag-ibig ay nagmumula sa puso ng mga tao
Kung ang tao’y walang puso ito’y hindi sumusuyo;
Kung diwa lang ang kikilos pag-ibig ay mabibigo
Pagka’t puso ang tuwina ang mithi ay kapwa puso!