‘Sinugal pati patô’
MARAMING handang isugal ang lahat pati ang kanilang patô para sa isang pagkakataon, kahit may peligro, kahit makulong, gumanda lamang ang buhay. Para na ring lumundag mula sa dagat ng walang katiyakan ang dating seaman na si Isidro “Sidro” E. Añora nang magdesisyon itong hindi na sumampang muli mula sa barko upang makapagtrabaho sa Japan. Taong 1997 nung isa sa naging destinasyon nila ang bansang ito. Isang kasamahan sa barko ang nagbanggit sa kanya tungkol sa malaking kita sa Japan kaya’t naengganyo siyang subukan ang posibleng mas magandang oportunidad doon. Nang dumaong na sila ng Pilipinas, ipinaalam na niya sa kanyang pamilya ang naisipang plano. Oktubre 1999, muling sumampa si Sidro at nung sumunod na buwan dumating sila sa Japan. Makalipas ang labing anim na araw, paso na ang ‘visa’ ni Sidro sa Japan at hindi na siya bumalik sa barko. Ito na ang simula ng pagiging ilegal ng kanyang pananatili doon. Buong tapang siyang naghanap ng trabaho at nakapasok siyang pintor doon. Naging maganda naman ang kanyang kita at nakapagpapadala siya ng maayos sa Pilipinas. Bunga nito, naipagpatayo niya ng bahay ang kanyang mga magulang sa Bohol. Sinustentuahn niya sa pag-aaral ang mga pamangkin niya lalo na sa pinakamalapit sa kanya na si Archie. Sa loob ng isang dekada, ay naging katangap-tanggap para sa kanya ang takbo ng buhay niya sa Japan. Hanggang noong 2009, naging madalang na ang pagtawag ni Sidro sa pamilya sa Pilipinas.
Isang araw matapos matagal na hindi pagpaparamdam nitong si Sidro, nakatanggap sina Archie ng padalang pera mula sa kanya upang ipambili ng computer. Hiling niyang magkaroon sila ng komunikasyon. Disyembre ng 2009, isang ‘video call’ ang ginawa ni Sidro sa pamamgitan ng internet, at sila’y nakapag-usap. “Medyo nagkahigpitan dito sa Japan. Maraming nahuhuling TNT(“Tago nang Tago”), kaya paki-asikaso yung mga dokumento ko diyan sa Pilipinas at dalahin ‘nyo sa DFA. Gusto ko nang umuwi,” sinabi ni Sidro na sa tingin nina Archie ay hindi naman ito problemado. Agad inasikaso ng hipag ni Sidro na si Susan ang lahat ng mga papeles niya dito sa Pilipinas upang lakarin ang pagpapauwi sa kanya. Nang pumunta si Susan sa DFA o Department of Foreign Affairs, isang ‘fixer’ ang nagpakilala sa kanyang lalakad sa papel. Ang hindi alam ni Susan, modus pala ito at natangay ang lahat ng legal na dokumento ni Sidro. Mula noon, hindi na naman muling nakabalita ang pamilya ni Sidro tungkol sa kanyang lagay sa Japan. Hanggang Setyembre 22, 2012, isang tawag ang natanggap ng isa pang kapatid ni Sidro na si Pablito. Halos magkaluhaan sa telepono ang magkapatid, “Kuya kinabahan kami sa’yo! Akala namin kung napano ka na diyan!”. Bagamat tuwang-tuwang nakabalita, hindi maipaliwanag ni Pablito ang kanyang kutob sa tunay na kalagayan ng kanyang kuya. “Tol, nakakulong ako ngayon dito. Kung magagawawan ‘nyo ng paraan diyan sa Pilipinas tulungan ‘nyo akong makauwi,” sabi ni Sidro. Sa ngayon ito ang huling balita ng buong pamilya kay Sidro. Inilapit ito sa amin ng kanyang pamangkin na si Archie. Nais nilang magkaroon ng linaw sa kundisyon ng tiyuhin sa Japan. Hiling ng pamilya Añora na mapauwi na lamang si Sidro.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ni Sidro. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, alam ni Sidro ang kapahamakan na dulot ng ilegal na pagtatatrabaho sa ibang bansa, at ang kahihinatnan nito kapag siya’y sumabit. Mauunawaan ang paghahangad niyang makapagbigay ng magandang buhay para sa kanyang pamilya ngunit ang mahabang braso ng batas ang hahablot sa kanya upang siya’y managot ukol sa tunay niyang katayuan doon. Bilang tulong, nakipag-ugnayan kami kay Undersecretary Raphael Seguis at siya na mismo ang nagbigay ng report. Ang unang impormasyon na aming natanggap ay galing kay Ms. Marian Ignacio, ang Consul General ng Philippine Embassy sa Japan, na ayon sa kanya ay natanggap nilang mga detalye mula sa salaysay ni Sidro sa Japanese Immigration Officials. Ayon sa salaysay ni Sidro sa Immigration, napaso ang kanyang visa noong Disyembre 3, 1999 at matapos ang sampung taon ay sumuko na lang sa Tokyo Immigration. Pinalaya daw siyang pansamantala upang mabigyan ng panahong makapag-ipon ng pera pamasahe pabalik ng Pilipinas subalit nawala siyang muli at hindi na nakita ng mga awtoridad hanggang sa siya’y naaresto ng Immigration noong Agosto 23, 2012. Isang bagay na aming pinagdududahan, ilang taong nagtago, tapos papalayain para maghanap ng pera? Eh di magtatago na lang yun ulit!? Kusang sumuko nga ba si Sidro o nahuli siya? Strikto ang mga Immigration Law hindi lamang sa Japan kung hindi sa buong mundo.
Natanggap ni Sidro ang kanyang “Deportation Order” mula sa Japanese Ministry of Justice noong Setyembre 12, 2012, ngunit hindi niya nais na maipatapon(deport) pabalik ng Pilipinas. Ayon sa Immigration Control Act ng Japan, ang mga dayuhang hinatulan nito ay dapat agad na pabalikin sa pinanggalingang bansa. Sakaling hindi posibleng mabilis na mapauwi, sila ay makukulong. Kasalukuyang siya ngayong nakapiit sa Tokyo Immigration Detention Center bilang paglabag sa “Immigration Control Act for Overstaying”. Kailangan hintayin ng Japan Immigration ang ticket na galing kina Sidro pabalik sa Pilipinas.
Tanong lang, alam mo Sidro ang maaring mangyari sa iyong pananatili bilang isang banyaga na walang sapat na papeles (‘undocumented alien’). Kumita ka ng maayos sa haba ng panahong ikaw ay nandun. Dapat sana nag-ipon ka na para sakaling mahuli ka’t i-deport, may pambili ka ng ‘return ticket’. Makatarungan ba ang Estado na gamitin ang pera ng ating mga mamamayan, na sasagot ng iyong ticket mula sa buwis sa pagod nila at tiyaga sa pagtratrabaho dito sa ating bansa? Anong palagay mo Sidro? Kayong mamababasa ng pitak na ito ano ang opinyon ninyo? (KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
- Latest