Editoryal - Mag-imbestiga bago mag-invest ng pera
NASA huli ang pagsisisi. Ganito ang nararamdaman ng mga nag-invest sa Aman Futures Group Phils. Inc. Nasa 15,000 katao ang naloko ng Aman sa Visayas at Mindanao. Umaabot sa P12-billion ang nakulimbat na pera ng mga opisyal ng Aman. Kabilang sa mga naloko ng Aman ay pulitiko, sundalo, guro, pulis at overseas Filipino workers (OFWs). Ang Aman ay itinayo umano ng isang Filipino-Malaysian na nagngangalang Manuel Amalilio. Nagtatago na umano si Amalilio at ang anim na director ng Aman. Ang isa sa mga executive ng Aman ay dati raw drayber-janitor.
Malaking tubo ng ii-invest na pera ang naging dahilan para dumami ang mga miyembro ng Aman. Ayon sa report, madaling-araw pa lamang ay nakapila na ang mga gustong mag-invest. Ang iba ay nag-loan ng pera para mayroong i-invest. Mayroong nag-invest ng kanyang retirement money. Ang iba ay nangutang sa mga kamag-anak para makapag-invest. Mabilis na kumalat ang malaking interest ng pera na ii-invest sa Aman kaya lalo pang lumobo ang investors.
Pangako ng Aman na ang i-invest na pera ay kikita nang malaki sa loob lamang ng isang linggo. Sabi ng isang market vendors na nag-invest ng P1,000 kumita agad ang kanyang pera sa loob ng isang linggo. Kapag malaki raw ang ii-invest ay mas malaki ang kikitain ng pera.
Hanggang sa dumating ang masaklap na pangyayari sa investors. Noong Setyembre, hindi na maibalik ng Aman ang malaking interest ng pera ng investors. Ang mga inisyung tseke ay tumalbog. Hanggang sa hindi na mahagilap si Amalilio at anim na opisyales.
Ang masaklap ay mayroon nang nag-suicide na guro dahil hindi na nabawi ang kanyang retirement money na ini-invest sa Aman. Mayroong galit na galit at sinunog na ang bahay ng kamag-anak ni Amalilio. Ang ilan ay hindi maipinta ang mukha dahil sa kabiguang mabawi ang pera.
Marami nang nangyaring ganitong panloloko at sa kabila ay marami pa ring napapaniwala. Kailan matututo? Mag-imbestiga muna bago ipagkatiwala ang pinaghirapang pera.
- Latest