Barangay kagawad sinuspinde ng Taguig LGU
MANILA, Philippines — Dahil sa mga reklamong Acts of Lasciviousness, Grave Misconduct, at Immoral Acts, sinuspinde ng Taguig City government ang isang kagawad ng Barangay Pinagsama na kilala rin umanong tagasuporta ng isang kongresista sa lungsod.
Maliban sa pagiging barangay kagawad, si Apolonio Fulo ay kilala rin umanong malapit na supporter at bodyguard ni Congresswoman Pammy Zamora ng District 2.
Ang mga reklamo ay nag-ugat sa insidenteng naganap sa dinaluhang seminar ng isang babaeng biktima at iba pang opisyal ng barangay noong Abril 6, 2024, sa isang hotel sa Cebu City. Hinawakan umano ni Fulo ang kamay at dibdib ng complainant habang natutulog kaya napatakbo siya palabas ng kuwarto at ipinaalam ang insidente sa mga kasamahan sa seminar. Nag-alok pa diumano ng pera si Fulo upang hindi magsampa ng reklamo ang biktima.
Dahil sa bigat ng mga alegasyon, inirekomenda ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig ang 60-araw na preventive suspension upang maiwasan ang pananakot sa mga testigo at matiyak ang patas na imbestigasyon.
Pinirmahan ni Mayor Lani Cayetano ang kautusan noong Pebrero 5, 2025, matapos pahintulutan ng Comelec na pansamantalang alisin si Fulo sa tungkulin bilang kagawad habang iniimbestigahan ang kaso.
Sa kabila nito, itinanggi ni Fulo ang mga paratang, pero sa imbestigasyon ng Konseho, may sapat umanong ebidensiya laban dito, kabilang ang testimonya ng isang saksi.
- Latest