Misis kinatay ng selosong lover

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang 31-anyos na misis matapos ataduhin nang saksak ng kanyang ka-live in matapos malaman na ito ay mayroon ibang karelasyon, naganap nitong bisperas ng Bagong Taon sa Brgy. Angeles, Atimonan, Quezon.

Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si alyas Jollie, habang ang suspek na ka-live in na si alyas Jerold, 38 ay boluntar­yong sumuko sa pulisya.

Batay sa ­imbestigasyon, bago nangyari ang krimen, alas-6:45 ng gabi ay masayang nag-iinuman ang magka-live in sa loob ng kanilang bahay.

Nang malasing ay ina­min umano ng biktima na may karelasyon siyang ibang lalaki na ikinagalit ng suspek na humantong sa kanilang mainitang pagtatalo.

Sa gitna nang mainitang pagtatalo ay tumayo ang suspek, pumunta sa kusina at kumuha ng patalim at inundayan nang sunud-sunod na saksak ang biktima  hanggang duguang bumulagta.

Mabilis na tumakas ang suspek habang dinala naman ng mga saksi ang biktima sa Dona. Martha Hospital, subalit nalagutan din ng hininga. Kinalaunan ay sumuko ang suspek at nahaharap sa kasong murder.

 

Show comments