MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 64 porsyento ang firecracker injuries sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon sa DOH, nasa 141 bagong kaso ng mga nasugatan sa paputok ang nairekord nila sa pagsalubong sa taong 2025.
Gayunman, maaari umanong madagdagan pa ang naturang bilang dahil sa late reporting.
Ayon sa DOH, bunsod ng mga bagong kaso ay umaabot na ngayon sa 340 ang naitala nilang FWRI cases simula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Enero 1, 2025.
Mas mababa ito ng 34% kumpara sa 519 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Nasa 202 kaso o 59% ang nasugatan dahil sa illegal firecrackers gaya ng Boga, 5-Star, at Piccolo.
Ang 186 sa kanila o 54.7% naman ay aktibong gumamit ng paputok. Nasa 239 kaso naman ay nagkakaedad ng 19 taong gulang pababa habang 299 ay mga lalaki.
Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng eye injuries, amputation o pagkaputol ng bahagi ng katawan at paso dahil sa paputok.
Pinayuhan naman ng DOH ang mga nasugatan sa paputok na kaagad magtungo sa doktor upang magpabakuna kontra tetano.