Pumalo sa 163 kaso ang naputukan - DOH

Pinangunahan kahapon ni Cavite Provincial Police Office Colonel Dwight Alegre, Provincial Director, ang simultaneous ceremonial disposal ng Illegal firecrackers sa Camp General Pantaleon Garcia (Cuartel), Barangay Poblacion.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pumalo na sa kabuuang bilang na 163 kaso ang firework-related injuries ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa.

Ito ay mula sa mga naitala ng ahensiya mula Disyembre 22 hanggang alas-6:00 ng umaga nitong Lunes, Disyembre 30.

Ito ay mas mataas ng 50 kaso o 44% kumpara sa 113 lamang na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Ayon sa DOH, sa kabuuang bilang, 148 sa mga biktima ng paputok ay pawang mga lalaki habang 15 naman ang mga babae.

Nasa 135 naman ang bilang ng mga biktima ng paputok na nagkakaedad lamang ng 19-taong gulang pababa habang 28 naman ang nasa 20 taong gulang pataas.

Ang 118 naman o 72% ng kabuuang bilang ng mga biktima ay nabiktima ng ilegal na paputok, gaya ng boga, 5-star at piccolo.

Matatandaang una nang kinumpirma ng DOH na isang 78-anyos na lolo na gumamit ng Judas’ belt ang namatay matapos na masabugan ng paputok habang ilang indibidwal na rin ang naputulan ng daliri.

Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag magpaputok at ilayo ang mga bata sa panganib na dulot nito at mas makabubuti rin kung gagamit na lamang mga alternatibong pampa­ingay gaya ng torotot at musika.

Show comments