Trust ratings nina Pangulong Marcos, VP Sara bumaba sa huling quarter – survey

MANILA, Philippines — Ayon sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay ­kapwa bumaba ang trust ­ratings nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte sa huling bahagi ng taong 2024 na isinagawa noong Disyembre 12 hanggang Disyembre 18, sa pamamagitan ng face-to-face interviews at nilahukan ng 2,160 respondents sa buong bansa.

Bahagyang bumaba ang mga Pilipinong may “Much Trust” sa Pangulo mula 57% noong Set­yembre patungong 54% ngayong Disyembre habang ang mga may “Little Trust” ay hindi nagbago sa 25%.

Gayunpaman, kung ikukumpara sa loob ng anim na buwan mula ­Hulyo hanggang Dis­yembre, mapapansin ang malaking pagbaba nito, kung saan ang mga taong may “Much Trust” sa Pangulo ay bumulusok sa 54% mula sa 64%.

Iyon namang “undecided” o nag-aalinlangan sa kanilang pagtitiwala sa Pangulo ay tumaas mula 14% patungong 19% ngayong buwan.

May pinakamalaking pagbaba sa trust rating ng Pangulo sa Mindanao, kung saan ang bilang ng mga taong may “Much Trust” sa kanyang pamumuno ay bumulusok sa 33% ngayong Disyembre mula sa 50% noong Hulyo.

Samantala, nabawasan din ng tatlong puntos ang bilang ng mga Pilipinong may “Much Trust” kay Duterte, mula 55% noong Setyembre patungong 52% ngayong Disyembre.

Gayunpaman, kung ikukumpara sa loob ng anim na buwan o mula Hulyo hanggang Dis­yembre, natapyasan ng 13% ang mga Pilipinong may “Much Trust” kay Duterte, mula 65% noong Hulyo tungong 52% ngayong Disyembre.

Umakyat naman sa 29% mula sa 21% ang may “Little Trust” sa bise presidente, gayundin ang mga “undecided”, na mula sa 13% ay naging 17%.

Napakalaking pagguho sa trust rating ni Duterte ay sa National Capital Region at Balance Luzon.

Sa NCR, ang mga may “Much Trust” kay Duterte ay nabawasan ng 21% mula 62% noong Hulyo tungong 41% ngayong Disyembre.

Katulad nito, sa Ba­lance Luzon, ang mga may “Much Trust” kay Duterte ay bumaba rin ng 22% sa loob ng anim na buwan, habang ang mga may “Little Trust” ay lumago ng 13%.

Isinagawa ang survey noong Disyembre 12 hanggang Disyembre 18 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,160 respondents.

Show comments