MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P30 milyong halaga ng marijuana ang nadiskubre ng mga otoridad sa dalawang balikbayan box sa Taguig City na ipinadala mula Ontario, Canada.
Batay sa report na tinanggap ni PNP-DEG Director PBGen Eleazar Pepito Matta, Disyembre 27 nang tumawag ang dalawang warehouse manager ng UMAC Forwarders Express, Inc., hinggil sa kahina-hinalang package.
Katuwang ang Foreign Liaison Division (IFLD), at PDEA NCR-SDO, dinala ng PNP-DEG Special Operations Unit–National Capital Region (SOU-NCR), ang dalawang package sa kanilang tanggapan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ininspeksyon ang dalawang kahon mula sa kinatawan ng media, barangay officials, at narcotic detection dog team.
Dito na tumambad ang nasa 40 heat-sealed transparent plastic sachets na tumitimbang ng 20,000 gramo ng Kush marijuana na itinago sa loob ng mga kahon.
Ang mga nasabing kontrabando ay napapaibabawan ng canned goods, bigas at mga damit nang inspeksiyunin ng mga otoridad.
Naniniwala ang mga otoridad na sinamantala ng sender ang Christmas rush para makapagpuslit ng illegal na droga sa bansa.
Ang mga kahon ay naka-address sa hindi tinukoy na recipient mula Bulacan.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PDEG sa insidente.