MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang apat na pulis na ang isa dito ay AWOL nang maagapan ng mga tauhan ng Mecauayan City Police Station ang planong panghoholdap nila sa isang establisimyento sa Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga suspek na sina P/Cpl Jayson Medallad at P/SSgt Mark Raian Vicente kapwa nakadestino sa Caloocan City police station; P/Cpl Jayson Medallada ng Quezon City Police District (QCPD) at Patrolman Reiniel Basilio, na AWOL sa Malabon City Police Station.
Nabatid sa report alas-10:20 ng gabi nitong Sabado sa El Camino Road, Brgy. Perez, Meycauayan City, Bulacan nang makita ng isang saksi ang mga apat na kalalakihan na armado ng baril nang pasukin ang establisimyento.
Kaya’t agad na tumawag ang saksi sa himpilan ng pulisya na agad nakaresponde sa lugar at dinatnan ang mga suspek na hawak ang kanilang mga baril na pinasuko.
Payapang sumuko ang mga suspek na pulis at walang maipakitang mga papel ng kanilang dalang mga baril at sa halip ay nakuhanan ang mga ito ng apat na piraso ng transparent plastic sachets na pinaniniwalaang shabu.
Kinumpiska sa mga suspek ang Cal. 45 Pistol, apat na Cal. 9mm Pistol, PNP IDs, siyam na cellphones, apat na motorcycle helmets, mga damit, ball caps, anim na bonnet, dalawang LTO motorcycle license plates, at tatlong motorsiklo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong administratibo at paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) and Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).