3 pulis nagsagawa ng manhunt ops, nalunod sa ilog

MANILA, Philippines — Tatlong bangkay ng pulis ang lumutang sa ilog matapos na sila ay malunod nang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa malakas na agos ng tubig bunsod ng malakas na buhos ng ulan noong Biyernes sa Calanasan, Apayao.

Sa isinagawang search and retrieval operations ng pulisya natagpuan ang nitong Linggo ng  umaga ang bangkay ni Patrolman John L. Togay-an Jr. ng Buguias, Benguet, sa Apayao River, Flora, Apayao, habang sina Patrolmen Resty P. Bayog, Barangay Nambaran, Tabuk City, Kalinga; at Patrolman Halteric Q. Pallat, ng Kabugao, Apayao, pawang nakatalaga sa 2nd Apayao Police Mobile Force Company na nakabase sa Conner, Apayao ay narekober noong Biyernes ng hapon sa Kabugao.

Nakaligtas naman ang tatlong pulis na sina Police Chief Master Sgt. Bernabe Dalingay Patang Jr. ng 2nd Apayao PMFC, kasamahan na sina Police Patrolmen Derick Paul Unni Diza at Claybert Edel Dangao; at Police Staff Sgt. Felimon Daggay Ballouan ng Calanasan police station, gayundin ang bangkero na si Gilbert Parao.

Sa report ng Calanasan Municipal Police Station, magsasagawa na sana ng manhunt ope­ration ang mga nasabing pulis laban sa isang Orland Bidoc, magsasaka ng Barangay Langnao, Calanasan, na umano’y sangkot sa naganap na barilan noong gabi ng Miyerkules.

Sumakay ng bangka ang pitong pulis na pina­ngunahan ni Patang Jr., at habang patawid ang mga ito sa Apayao River ay bigla na lamang tumaob ang mga ito at tuluyang nilamon ilog ang tatlong nasawing pulis.

Show comments