Mga raliyistang nanakit kakasuhan - MPD
MANILA, Philippines — Anim na tauhan ng Manila Police District (MPD) ang sugatan at bugbog-sarado nang maging marahas ang mga raliyista na nagpumilit na gibain ang barikada ng anti-rally police na humarang upang hindi sila makalapit sa Mendiola, kahapon, Bonifacio Day.
Nabatid na ilang grupo ang nagsagawa ng kilos-protesta na unang nagtipun-tipon sa Liwasang Bonifacio at nagmartsa patungong CM Recto sa pagtatangka na makapasok sa Mendiola.
Bago mag-alas 12:00 ay kusang nag-disperse na ang mga nagkilos-protesta.
Ang naganap na karahasan ay makikita sa mga video na naka-post sa social media na nagpapatunay na ang mga raliyista ang sumugod at pwersahang lumulusot sa barikada ng mga pulis na pawang ang sandata lamang ay shields hanggang sa magkarambulan.
Sinabi ng tagapagsalita ng MPD na si P/Major Philip Ines na sa pagtaya ay nasa 300 ang mga raliyista.
Samantala, mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang mga karahasan na ginawa ng mga raliyista sa rally na itinaon ng Bonifacio Day.
“We strongly condemns the acts of violence perpetrated by certain rallyists… which led to injuries and the disruption of public order,” ayon sa PNP.
Batay sa ulat, isa sa pulis ang nagtamo ng pinsala sa mata dahil sa matinding pambubugbog at agad na isinugod sa isang ospital sa Maynila habang ang ilan pa ay nagtamo rin ng mga sugat at gasgas na nalunasan ng first aid. Ayon sa PNP, makikita sa video ang pagpipigil at propesyunalismo kahit sila ay hinahamon at sinasalakay dahil malinaw sa kanila na ang misyon ay upang mabawasan ang mga tensyon, panatilihin ang kapayapaan, at protektahan ang mga buhay.
Tiniyak naman ng PNP na sasampahan ng reklamo ang mga responsable sa pananakit sa mga pulis.