MANILA, Philippines — Umaabot sa P39,000,000 halaga ng hinihinalang high-grade marijuana (Kush) ang nasamsam ng pulisya sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, kamakalawa.
Sa inisyal na imbestigasyon, personal na nagpunta ang isang hindi pinangalanang ginang sa Balagtas police station upang i-report ang natanggap na package ng kanyang asawa mula sa delivery service.
Nabatid na ipinadala ng isang alyas “Paul” mula Toronto, Canada ang kargamento sa kapatid ng ginang na nakakulong na may kaugnayan sa kasong iligal na droga.
Dahil dito, naghinala ang ginang na may kaugnayan ang kargamento sa kasong kinahaharap ng kanyang kapatid at dahil wala rin silang kamag-anak sa ibang bansa kaya agad siyang nagtungo sa pulisya.
Agad umaksyon ang mga pulis sa lugar kasama ang mga opisyal ng barangay, kinatawan ng Department of Justice at media representatives para beripikahin hanggang sa tumambad sa kanila ang kontrabando.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 52 selyadong plastik na naglalaman ng hinihinalang marijuana na tumimbang ng nasa 26 kilo at may standard drug price na P39,000,000.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga sangkot at gaano kalawak ang sindikato dahil maaring bahagi ito ng malawak na international drug trade.