MANILA, Philippines — Inakusahan kahapon ang umano’y pag-cover up ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan nang pagpigil sa mga malalapit niyang tauhan na sinasabing sangkot sa maling paggamit ng P500 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na dumalo sa imbestigasyon ng Kongreso.
Ipinahayag ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang kanyang pagkadismaya sa hindi pagdalo ng mga opisyal na may direktang responsibilidad sa paghawak ng pampublikong pondo na sinusuri.
“Ang nakikita po namin dito, ang pinapupunta po nila ‘yung mga career officials na sa tingin po namin e hindi naman po sila ang talagang concerned. Parang nagkakaroon po ng cover-up dito po sa issue na ito,” wika ni Chua sa mga tanong ng mamamahayag sa press conference.
Sa ikalimang pagdinig ng komite noong Lunes, dumalo ang ilang career officials ng OVP—kabilang sina Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief Accountant Julieta Villadelrey, Budget Division Chief Edelyn Rabago, at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Tenido.
Gayunpaman, hindi dumalo ang malalapit na kasamahan ni Duterte, tulad ni OVP Undersecretary at Chief of Staff Zuleika Lopez at Special Disbursing Officer Gina Acosta na kapwa nagsilbi bilang staff ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao City.
Hinahanap ng komite ang mga paliwanag mula sa mga opisyal ng OVP sa umano’y maling paggamit ng P500-milyon na CIFs para sa huling quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023.
Itinuro ng COA ang halos kalahati ng kabuuan at hindi pinayagan ang P73 milyon sa P125 milyon na ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw sa huling quarter ng 2022.