Higit P387 milyong droga, nakuha sa inabandonang SUV

Sa inisyal na ulat, alas-3:00 ng madaling araw nang makuha sa loob ng inabandonang kulay gray na Mitsubishi Pajero ang nasa 57 kilo ng nasabing iligal na droga at iniwan ito sa ferry terminal dahil sa mahigpit na inspeksyon na ginagawa ng otoridad.
PDEA Region VIII

MANILA, Philippines — Nasa mahigit sa P387 milyong halaga ng iligal na droga ang nakuha ng mga otoridad sa abandonadong SUV sa Liloan Ferry terminal sa ­bayan ng Liloan, Southern Leyte kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat, alas-3:00 ng madaling araw nang makuha sa loob ng inabandonang kulay gray na Mitsubishi Pajero ang nasa 57 kilo ng nasabing iligal na droga at iniwan ito sa ferry terminal dahil sa mahigpit na inspeksyon na ginagawa ng otoridad.

Ang SUV ay isinakay sa MV Fastcat M17 mula sa Surigao City patungo ng Liloan, Southern Leyte bitbit ng isang Benzar Mamalinta,base sa dokumento ng ferry.

Pagdating ng Liloan port sa Barangay San Roque ay mahigpit ang inspeksyon na isinasagawa ng Phil Coast Guard, Liloan Maritime, Liloan Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Group (PDEA) at isa-isang tinitignan ang mga sasakyan mula sa mga dumaong na ferry.

Dito napansin ng otori­dad ang nasabing SUV na may plakang GAJ 2882 na walang drayber kaya agad itong itinawag subalit walang drayber na lumutang.

Dahil dito ay nagduda na ang otoridad at tinignan n ila kung mayroon itong pampasabog, suba­lit nagnegatibo hanggang sa magpaikot ng K9 dogs ang PDEA sa paligid ng sasakyan kung saan nagpostibo ito sa iligal na droga.

Nang buksan ang sasakyan ay bumungad ang tatlong malalaking bag na nakalagay sa likurang compartment kung saan mayroong itong 57 pakete ng pinaniniwalaang shabu at kada pakete ay tumitimbaang ng 1 kilo.

Patuloy pa rin ang ginagawang follow-up operation ng otoridad hinggil sa natuklasang malaking bulto ng droga.

Show comments