MANILA, Philippines — Kulong ng 40 taon ang naging hatol ng korte sa 10 fraternity members na akusado sa pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas (UST) law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III, may pitong taon na ang nakakaraan.
Batay sa desisyong ibinaba kahapon, napatunayan ng Manila Regional Trial Court Branch 11 na guilty beyond reasonable sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995 ang mga akusadong sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr.
Bukod sa hatol na pagkabilanggo, nabatid na inatasan rin sila ng hukuman na magbayad sa mga naulila ni Castillo ng P461,800 na actual expenses, P75,000 na civil indemnity, P75,000 na moral damages, at P75,000 na exemplary damages.
Matatandaang Setyembre 17,2017 nang masawi si Atio matapos na isailalim sa initiation rites ng mga akusado, na pawang miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Naisugod pa sa Chinese General Hospital si Atio ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.