Rider sumemplang, todas sa truck

MANILA, Philippines — Isang motorcyle rider ang nasawi nang sumemplang sa kalsada at nagulungan ng isang paparating na10-wheeler truck sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Leland Bernal II, 32, ng GSIS Village, Project 8, Quezon City dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.

Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang driver ng truck na si alyas ‘Jojo,’ 46, ng Valenzuela City.

Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-9:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, kanto ng Katuparan St., Vitas, Tondo.

Sa kuha ng CCTV, makikitang binabagtas ng biktima, lulan ng kanyang motorsiklo ang northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, sa Vitas, Tondo, nang pagsapit sa Katuparan St. ay isang tricycle na nag-counterflow ang nasalubong nito sa kalsada.

Iniiwas ng biktima ang kanyang motorsiklo ngunit minalas na mawalan ng kontrol at sumemplang sa sementadong kalsada na nagkataong paparating ang 10-wheeler truck na minamaneho ng suspek kaya’t nagulungan ito.Hinahanap ng mga otoridad ang driver ng tricycle na nag-counterflow sa lugar.

Show comments