Barangay chairman sa Ilocos, itinumba
MANILA, Philippines — Isang incumbent barangay chairman ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi sa Barangay 5, San Silvestre, San Nicolas, Ilocos Norte.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Francisco Bagay Jr., 45, may-asawa at kapitan ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, pasado alas-6:00 ng gabi, nakaupo sa garahe ng kanyang bahay si Bagay nang dumating ang isang hindi kilalang lalaki at pinagbabaril siya.
Dinala si Bagay sa ospital kung saan idineklara itong dead on arrival dahil sa maraming tama ng bala.
Tumakas ang gunman sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang kasamahan.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang apat na fired .45 caliber cartridges at isang fired bullet.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo.
- Latest